Pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija, nilinaw na walang krisis ng sibuyas sa lalawigan

LUNGSOD NG PALAYAN – Nililinaw ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija na walang katotohanan ang ibinibintang na krisis sa sibuyas at pagkalugi ng mga magsasaka sa lalawigan.

Ayon kay Provincial Agriculturist Serafin Santos, walang katotohanan ang umanoy napapabalitang pagtatago ng sibuyas sa mga imbakan at krisis sa sibuyas.

Kaniyang pinatotoo na nitong Agosto pa lamang ng kasalukuyang taon nang naibenta ng mga magsasaka ang mga huling ani na sibuyas at sa kasalukuyan ay kanila nang pinaghahandaan ang susunod na panahon ng pagtatanim.

Paliwanag pa ni Santos, ang mga nakaimbak na sibuyas ngayon ay pag-aari ng mga traders at hindi ng mga magsasaka gayunpaman ay hindi sasapat ang mga kasalukuyang imbak para matugunan ang pangangailangan ng bansa sa sibuyas kaya’t nagkaroon ng pag-aangkat mula sa ibang bansa.

Bago pa aniya mag-angkat ng sibuyas ay nagkaroon muna ng imbentaryo sa suplay sa bansa dahil sa pangamba ng Bureau of Plant Industry o BPI na kapusin sa magiging bilang ng pangangailangan dulot sa nakaraang pag-atake ng Army Worm, pesteng sumisira sa tanim na sibuyas.

Ayon pa kay Santos, ito ay pansamantala lamang hanggang sa masigurong sasapat na ang suplay ng sibuyas sa merkado.

Kaniyang paglilinaw pa ay hindi nito maaapektuhan ang susunod na ani ng sibuyas at kita ng mga magsasaka bagkus ay pangangalagaan ng lalawigan ang pagiging Onion Capital ng bansa o pangunahing pinanggagalingan ng sibuyas mula sa humigit kumulang 1,577 na ektaryang taniman sa lalawigan.

Samantala ay inilalapit naman ni Governor Czarina Umali sa pamahalaang nasyonal na palagiang tiyakin na mapapangalagaan ang mga magsasaka na hindi nabibiktima ng mga traders at ng pabago-bagong takbo ng suplay sa merkado. (CLJD/CCN-PIA 3)

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *