Phase II ng rehabiltasyon ng Angat dam nagsimula na

LUNGSOD NG MALOLOS – Nagsimula na sa ikalawang bahagi o Phase II ang rehabilitasyon at papapatatag ng Angat Dam upang hindi ito masira sakaling magkaroon ng isang malakas na paglindol.

Kasabay ng pagbubukas ng Dumagat Livelihood Center at ng Angat Rainforest Ecological Park sa barangay San Lorenzo sa bayan ng Norzagaray, sinabi ni Angat Hydro Corporation dam engineer Russel Rigor na sa pagsasaayos ng dam ay muling hahaba ang life span nito ng panibagong 50 taon.

Ani Rigor, kakabitan nila ang dam ng mga bagong instrumento at teknolohiya tulad ng “strong motion sensors at standpipe piezometer” upang mamonitor nito ang anumang seismic developments malapit sa dam.

Natapos na nila ang pre-construction nitong Hulyo kung saan nakapaloob dito ang pagsasagawa ng survey at soil investigation, pagkumpuni ng access roads, konstruksyon ng temporary bridge, instalasyon ng pasilidad, at aktwal na site verification at detailed engineering design.

Kasamang isasasagawa sa Phase II ng pagpapatatag ng Angat dam ang flattening ng downstream slopes ng main dam, main dyke at secondary dyke at pagpapataas ng core ng main dam ng 1.2 metro.

Kaugnay nito, ipinagkaloob na ng Environment Management Bureau ang the Environment Compliance Certificate noong Oktubre 3, 2016 gayundin ang tree cutting permits noong Agosto 23, 2016. (CLJD/VFC-PIA 3)

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *