100% right-of-way para sa NLEX-Harbor Link, kumpleto na

LUNGSOD NG MALOLOS — Nakuha na ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang kumpletong right-of-way para sa proyektong North Luzon Expressway o NLEX-Harbor Link.
Sa kanyang ginawang inspeksyon, sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar na sa pagkakakumpleto ng right-of-way ay naging 24 oras na ngayon ang konstruksyon ng 8.25 kilometrong elevated expressway ng NLEX patungong Pier ng Maynila.
Ayon kay NLEX CorporationRodrigo Franco, may 83 porsyento na ang natatapos sa istraktura ng proyekto. Naikabit na ang mga girders na tumatawid sa MacArthur Highway sa bahagi ng barangay Karuhatan sa Valenzuela.
Dito magsisimulang tumaas ang elebasyon o vertical clearance ng NLEX-Harbor Link sa taas na limang metro.
Dahil dito, nagbigay ng dikretiba ang kalihim na dapat matapos at mabuksan ang NLEX-Harbor Link bago ang Kapaskuhan sa Disyembre.
Binigyang diin ni Villar na sa nalalapit na pagbubukas nito, aabot sa 30,000 kargentong trak araw-araw mula sa hilaga at gitnang Luzon ang mabilis na makakapaghatid ng kanilang mga kalakal sa Pier ng Maynila. Magiging sampung minuto na lang aniya ang biyahe mula NLEX papuntang pier mula sa kasalukuyang dalawang oras.
Nagkakahalaga ng P10.5 bilyon ang proyekto na sinimulan noon pang taong 2014.
Kabilang ang NLEX-Harbor Link sa mga malalaking proyektong isinasakatuparan at tinatapos sa ilalim ng Build-Build-Build Infrastructure Program ng administrasyong Duterte kung saan itinutuloy ang mga proyektong hindi matuloy, tinatapos ang mga hindi matapus-tapos, pinabibilis ang mga proyektong matatagal nang ginagawa at patuloy na nagkokonsepto ng mga karagdagan, bago at napapanahong imprastraktura bilang suporta sa lalong pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa. (CLJD/SFV-PIA 3)

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *