NORZAGARAY, Bulacan – Mamumuhunan ng 50 milyon dolyar ang Angat Hydropower Corporation o AHC upang mai-overhaul ang 50 taong gulang na Hydro Power Plant na nasa Angat Dam.
Ayon sa Pangulo nitong si Geung Jeon Han, target masimulan ang proyekto sa 2017.
Ito ang planta ng kuryente nagsusuplay ng 218 megawatt sa pamamagitan ng pagbomba ng tubig mula sa Angat Dam upang makalikha ng kuryente.
Ang sistema, kapag nakalikha na ng kuryente o iyong tinatawag na power generation, padadaluyin ang kuryente sa kable ng National Grid Corporation of the Philippines upang makarating sa mga power distributors tulad ng Manila Electric and Railroad Company at mga power cooperatives.
Hindi pera ng gobyerno ang gagastusin kundi puhunan ng AHC, ang pribadong kumpanyang nakabili sa Hydro Power Plant nang isapribado ng National Power Corporation noong 2010 sa bisa ng Republic Act 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act.
Ang AHC ay pag-aari ng San Miguel Corporation at Korea Water Resources Corporation.
Makakasabay ng overhauling ng Hydro Power Plant ang kasalukuyang retrofitting ng buong istraktura ng Angat Dam upang maging mas matatag sakaling tumama ang 7.8 magnitude na lindol.
Bukod sa pinagkukuhanan ng pangunahing suplay ng kuryente ng Luzon, umaasa sa Angat Dam ang Metro Manila dahil dito nagmumula ang may 90 porsyento suplay ng inuming tubig.
Iba pa rito ang mga patubig para sa mga magsasaka ng Bulacan at ilang bahagi ng Pampanga. (PIA 3)
