LUNGSOD NG MALOLOS – Hindi dapat matapos sa paggunita o pag-aalaala kay Dr. Jose P. Rizal tuwing Disyembre 30 ang dapat pagka-abalahan ng mga Pilipino, lalo na ng mga kabataan, kundi makatwiran aniyang pagsasabuhay at pagtupad sa mga aral na ginawa at isinulat ng bayani.
Iyan ang iginiit ni Malolos Mayor Christian Natividad sa paggunita ng lungsod ng Rizal Day ngayong araw.
Ani Natividad, inaalala ang araw na ito hindi dahil araw ng pagkamatay kundi dahil ngayon ang kasukdulan ng kanyang kabayanihan.
Pero higit pa riyan. Walang saysay ang ating pag-aalaala kung walang pagsasabuhay sa mga ginawa at isinulat ni Rizal.
Kabilang sa mga pinakakilalang pangaral ni Rizal ay ang matutong manindigan para sa tama at ipaglaban ang sa inaakala na karapatan tulad ng karapatan sa edukasyon, makapili ng relihiyon, makapagmay-ari ng lupa ang mga magsasaka, karapatang makaboto at maiboto, kalayaang makapagpahayag ng saloobin at iba’t iba pang karapatan na tinatamasa na ng kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino.
Nandiyan din ang dapat na maging pagpapahalaga sa mga kababaihan at paggalang sa mga magulang. (CLJD/SFV-PIA 3)
