TARLAC CITY – Humigit kumulang isang libong mga Tarlaqueño ang nakilahok sa masaya at makulay na aktibidad ng pamahalaang lungsod na binansagang Color Run Tarlac City nitong nakaraang Linggo, ika-21 ng Enero ngayong taon.
Bilang isa sa pinaka-inabangan ng mga Tarlakenyo sa isang linggong selebrasyon ng 1st Kaisa Festival sa lungsod, naging matagumpay at tunay na nakapagdala ng tuwa ang Color Run Tarlac City di lamang sa mga kabataan kundi pati na rin sa maraming pamilya na nakiisa sa programa.
Kasama ang kanyang pamilya, tiniyak naman ni Mayor Cristy Angeles ang kanyang pagdalo sa natatanging aktibidad na ito. Ilan din sa mga lumahok ay ang ilang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, mga hepe ng iba’t ibang departamento at mga kawani ng pamahalaang lungsod.
“I would like to thank everyone who made the very first Color Run Tarlac City a huge success. Sobrang nakakatuwa ang bilang ng mga pamilya at kabataan na nakilahok sa activity natin na ito. Maraming maraming salamat po sa lahat ng mga Tarlaqueño na nakiisa at nakitakbo sa ating kaunaunahang Color Run. To the Tarlac City Tourism Council at sa lahat ng bumubuo ng Kaisa Festival Working Committee, thank you very much and congratulations!” ani Mayor Cristy Angeles sa kanyang maikling mensahe bago magsimula ang programa.
Katuwang ng Tarlac City Tourism Council ang City Sports Division, POSO, TMG, at CRRRMO sa pagbuo ng kauna-unahang Color Run Tarlac City ng Pamahalaang Lungsod./Tarlac CIO
