Tarlac City – Ang Public Order and Safety Office (POSO), sa pangunguna ni POSO-TMU Head Alejandro Listerio, ay nagsagawa ng panghuhuli ng mga sasakyan sa kahabaan ng McArthur Highway kaninang umaga, Hulyo 6, 2017.
Nagtalaga ang nasabing departamento ng tatlong (3) grupo na pumwesto sa mga stoplight at intersection malapit sa SOGO Hotel, Motorway at La Maja Rica Hotel upang maging mas epektibo at mahusay na makapanghuli sa mga lumalabag ng batas trapiko.
Isangdaan at dalawapu’t apat (124) ang mga nahuling lumabag sa batas trapiko katulad ng counterflowing, pagsakay at pagbaba ng pasahero sa no loading zone, beating the red light, wala o expired na lisensya, pamamasada ng walang permit, at iba pa.
“Dumudulog po kami sa inyo, mga mamamayan ng lungsod ng Tarlac, na makipagtulungan sa amin at sundin ang batas trapiko,” ani Listerio.
Ipinakiusap ni Listerio na sundin ang alituntunin hinggil sa “yellow box” malapit sa stop light upang hindi magkaroon ng traffic congestion lalo na sa mga intersection.
Sa mga susunod na araw ay magkakaroon ng joint operation ang Philippine National Police (PNP) at ang POSO kung saan maglagay ng kawani sa mga congested traffic areas upang makatulong na maibsan ang trapiko at paigtingin ang batas dito sa lungsod ng Tarlac
“Kung matitigas ang ating ulo ay balewala rin ang mga magagandang nagagawa at nangyayari ngayon sa Tarlac, hindi rin tayo uunlad bilang isang lungsod. Nakikiusap kami sa mga motorista na magkaroon tayo ng disiplina sa pagmamaneho, ipakita natin na disiplinado at mapagkakatiwalaan ang mga Tarlaqueño sa pagsunod ng mga batas lalo na ang batas trapiko,” dagdag ni Listerio/Tarlac CIO
