Pulis Nueva Ecija, pinuri ang taunang Anti-Illegal Drug Summit ng Palayan

LUNGSOD NG PALAYAN – Pinuri at binibigyang importansya ng Nueva Ecija Police Provincial Office o NEPPO ang gampanin ng bawat lokal na pamahalaan kontra ilegal na droga gaya nang katatapos lamang na ika-limang Anti-Illegal Drug Summit sa lungsod ng Palayan.

Ayon kay NEPPO Provincial Director Senior Superintendent Antonio Yarra, malaking bagay ang isinasagawang pangangasiwa ng pamahalaang lokal ng Palayan sa mga regular na proyektong tulad ng taunang summit na pinalalawak ang kaisipan at proteksyon ng mamamayan kontra ilegal na droga.

Sa ganito aniyang pamamaraan ay binibigyang kapangyarihan ang mga mamamayang madepensahan ang sarili na mahikayat gumamit at malulong sa ipinagbabawal na gamot.
Tampok sa naturang programa ang mga pag-uulat at panawagan ng lokalidad, mga otoridad mula sa kapulisan, kasundaluhan pati mga espesyalista mula Department of Health hinggil sa mga sasapitin at masamang naidudulot ng ilegal na droga sa kaisipan at buong pamumuhay ng tao.

Gayundin ay nagkaroon ng mga patimpalak para sa mga estudyante gaya ang poster-making, essay-writing, at dulasayawit na umikot sa temang “Kabataan ang Pagasa, Wakasan ang Bawal na Droga, Now Na.”

Giit ni Yarra, ang droga ang pangunahing salot sa lipunan sa sumisira sa utak ng mamamayan kaya nakagagawa ng mga krimen na puno’t dulo ng karahasan sa mga inosenteng kababayan.

Kaya’t ang kanyang panawagan ay maging ehemplo sa iba pang lokal na pamahalaan ang pagtataguyod ng mga sariling proyekto kontra droga dahil hindi aniya ito kakayaning mag-isa ng mga otoridad ng wala ang suporta ng nasa lokal na pamahalaan, kasama ang pribadong sektor, at mga simpleng mamamayang may obligasyon sa lipunang ginagalawan. (CLJD/CCN-PIA 3)

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *