Planong paimbestigahan ng administrasyong Angeles ang estado ng mga kagamitang pag-aari ng pamahalaang lungsod na nakatengga at kinarne, lalo na yaong mga nasa isang warehouse sa F. Tañedo St., Brgy. Matatalaib na inuupahan ng pamahalaang lungsod.
Ayon sa ulat ng City General Services Office, nakahimpil o nakaimbak sa naturang pasilidad ang ilan sa mga sasakyan at kagamitan ng City Engineer’s Office, City Disaster Risk Reduction and Management Office, city bus, mga sirang sasakyan gaya ng ambulansya, police at barangay service, mga Precinct Count Optical Scanner (PCOS) ballot boxes at mga scrap materials.
Ginamit din ng administrasyon ni dating Mayor Gelacio Manalang ang pasilidad para sa pagdadala ng mga sasakyan na na-impound ng Public Order and Safety Office at Tricycle Regulatory Division.
Noong Hunyo 2014 ay pumasok sa isang kasunduan o Contract of Lease si Manalang para sa pamahalaang lungsod sa mag-asawang Steve at Susan Ong ng Metroshoppers Mall, Inc. na nagmamay-ari ng bodega na siyang nanalo sa bidding.
Ang pagpasok sa nasabing kasunduan ay awtorisado ng Sangguniang Panlungsod sa pamamagitan ng Resolution No. 118 na inaprubahan noong Mayo 29, 2014.
Inupahan ang lugar sa loob ng limang taon. Ang isang palapag na bodega ay may sukat na humigit-kumulang 1,152 metro-kwadrado samantalang 4,453 metro-kwadrado naman ang lupaing kinatitirikan ng pasilidad. May parking space rin ito na may sukat na 3,290 metro-kwadrado at dalawang palikuran.
Ayon sa kontrata, nagbabayad ang dating pamahalaang lungsod ng P300,000 kada buwan kay Ong at ayon sa ilang source, ang huling bayad para sa renta ay noong buwan ng Mayo 2015 pa.
Sa ngayon, ipinahinto muna ni Mayor Cristy Angeles ang pagbabayad sa pag-renta ng pasilidad habang inaayos pa ang mga usapin tungkol dito.
Ito ay sa kadahilanang very disadvantageous sa gobyerno at mamamayan ang pagbabayad ng isang pasilidad na ang nilalaman ay parang mga kinarneng sasakyan at equipment na itinuturing na malaking pagsasayang sa pera ng kabang-yaman ng siyudad.
Inaalam din sa kasalukuyan kung nasaan ang mga parte ng sasakyan at kagamitan na kinarne noong panahon ng dating administrasyon./Tarlac City Information Office
