Cory Aquino Day ginunita ng pamahalaang lungsod

LUNGSOD NG TARLAC – Ginunita ng lungsod ang ika-pitong anibersaryo ng kamatayan ni dating Pangulong Corazon C. Aquino, Agosto 1 sa bantayog nito sa F. Tanedo St.

Pinangunahan nina Mayor Maria Cristina C. Angeles, Vice Mayor Genaro M. Mendoza, Konsehal Abel Basangan, Vladimir Rodriguez at Cesar Go na chairman ng Komite ng Turismo, ang simpleng wreath-laying ceremony.

Malapit na kaibigan ni Angeles ang dating pangulo at nakasama rin sa mga pilantropong mga aktibidad bago pa man ito pumasok sa larangan ng serbisyo publiko gaya ng Piso’t Puso ng Tarlac Foundation.

Binigyang pugay niya ang tinaguriang Pandaigdigang “Icon of Democracy”, sa kanyang malaking bahagi sa pagkamit muli ng demokrasya para sa mga Pilipino noong panahon ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon kay Angeles, patuloy na nagiging inspirasyon sa kanya si Aquino upang pagsilbihan pa lalo ng tapat, buong kahusayan at kababaang-loob ang mamamayang Tarlaqueño.

“From my days as a board member up to this day as the mayor of Tarlac City, President Corazon Aquino continues to be a personal inspiration as she had been a truly remarkable public servant who reached out to all Filipinos,” ani Mayor Angeles.

Dinaluhan din ang naturang okasyon ng ilang opisyal ng pamahalaang lungsod na sina Senior Tourism Operations Officer Wilfredo Toldanes, City Tourism Council na pinamumunuan ni Arvin Chua, City Engineer Jose M. Dungca, Bureau of Fire Protection sa pamumuno ni City Fire Marshal Jimmy Castro Suba at ilang miyembro ng Tarlac City Police Station.

Samantala, binigyang pagkilala naman sa programa sa flag-raising ceremony sa Tarlac State University ang anim na mag-aaral sa lungsod na nagkamit ng medalya sa prestihiyosong kompetisyon na Mathematics Wizard Challenge na ginanap sa Bangkok, Thailand.

Ang mga kinilala ay sina Alison Chloe Tan ng Tarlac Living Faith Academy na nakakuha ng gintong medalya, Arthur Caleb Co ng TLFA (Bronze), Amber Nicole Lim ng Tarlac Montessori School (Silver), Allen John Verbo ng Don Bosco Technical Institute (Bronze), Enzo Raphael Chan ng Bayanihan Institute (Bronze) at Trisha Renee Capulong ng College of the Holy Spirit (Bronze). Makatatanggap ng sertipiko at tulong pinansyal ang mga estudyante.

Kinilala rin si Rene Aiban L. Antonio ng Brgy. San Vicente na nagkamit ng bronze medal sa World Championship of Performing Arts – Vocal Open Category na ginanap sa Long Beach, California noong Hulyo 8-17, 2016.

Matapos ang mga ito ay nag-abot naman ng tulong pinansyal o burial assistance ang pamahalaang lungsod sa tatlong benepisyaryo mula Brgy. Laoang./Tarlac CIO

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *