LUNGSOD NG TARLAC – Nagpulong sa unang pagkakataon sina Mayor Maria Cristina C. Angeles at ang mga kapitan ng 76 barangay sa lungsod noong Hulyo 25 upang masimulan na ang proseso ng pagkakaisa, burahin ang mga sugat ng halalan, at mailahad ang mga hakbang sa pagsisimula ng pagbabago at progreso sa lungsod.
Sa pagpupulong na ginanap sa Sangguniang Panlungsod Conference Room, hiningi ni Angeles ang suporta at pagkakaisa sa mga opisyales na aniya’y susi sa pag-usad ng lungsod.
“I know dumaan po lahat tayo sa mahirap na pagsubok. On your part, alam ko ang pinagdaanan ninyo noong nakaraang eleksiyon. Rest assured po na tapos na po iyon… ang eleksiyon ay isang araw lang, pagkatapos nito ay babalik din tayo sa pagiging magkakaibigan. Sana po sama-sama na po tayo, tulung-tulong na harapin kung ano ang dapat nating gampanan sa ating mga kabarangay at sa taumbayan,” ani Angeles.
Siniguro rin ng alkalde na hindi ito makikialam sa darating na eleksiyon sa mga barangay.
“Itong laban ninyo ng Oktobre hindi po ako makikialam. Hahayaan ko po kayo, open at free zone po ang eleksiyon sa barangay. Wala po tayong kakampihan at kikilingan. Let the people decide kung sino po sa palagay nila ang karapat-dapat na uupo na pinuno ng kanilang mga barangay,” paglilinaw ni Angeles.
Bago ang talumpati ni Angeles, ipinakita muna sa pamamagitan ng audio-visual presentation ang mga programa at proyektong nagawa ng alkalde noong ito’y Senior Board Member pa.
Bukod sa mga kapitan, dumalo rin sa pagtitipon ang ilang mga kalihim at ingat-yaman sa kani-kanilang barangay.
Sumunod na tinalakay ni Angeles ang mga programa ng kanyang administrasyon lalo na ang kalinisan sa buong kalunsuran kasama ang pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan na aniya’y magdadala ng pangmatagalang benepisyo sa taumbayan.
Binanggit at inisa-isa ng alkalde ang mga nasimulang pagbabago gaya ng pagsasaayos ng trapiko sa F. Tañedo St., pagtatayo ng Sunday flea at night market para sa mga street vendors, at pagsasaayos ng Uptown at Downtown Public Market.
“Tatlo ang prayoridad natin, within the 100 working days po, three major problems po ang nais naming i-resolve- traffic, garbage at tsaka palengke,” ani Angeles.
Kasalukuyan din ang pagsasaayos o reorganisasyon sa mga empleyado ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng paglalagay sa kanila sa tamang posisyon at akma sa kanilang trabaho upang maayos na maihatid ang serbisyo sa mamamayan.
Kanya ring hinimok ang suporta at pakikipagtulungan ng mga kapitan para sa kalinisan sa kanilang nasasakupan para sa istrikto at malawakang pagpapatupad ng R.A. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at Anti Littering Ordinance No. 015-08 ng lungsod.
Magpapadala ng emisaryo ang pamahalaang lungsod na silang magbibigay ng seminar sa mga barangay.
Bilang paghahanda naman sa pagsisimula ng talakayan hinggil sa badyet ng lungsod sa 2017, pinaalalahanan ni Angeles ang mga opisyales na ihanda ang mga pangunahing proyektong nais nilang magawa para sa kanilang mga barangay.
“Pag-uusapan na po natin ang budget sa susunod na taon. Kailangan na po namin ang mga resolusyon ninyo at mga request, ilagay po ninyo yung top three priority projects na gusto ninyong maisakatuparan sa mga barangay ninyo. Ang maipapangako ko yung budget na manggagaling sa Community Development Fund ng siyudad,” ani Angeles.
Ilalapit din ng alkalde ang mga programa sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan upang humingi ng suporta upang maipatupad ang mga ito.
“Lalakad po ako, magtatrabaho po tayo, ilalapit po natin ang ating mga projects sa national government, sa ating mga kaibigang kongresista, sa ating mga kaibigang senador at sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan para bumaba ang maraming tulong,” ani Angeles.
Nilinaw din nito na magpapatuloy pa rin ang suporta sa mga kapistahan sa iba’t-ibang barangay pero ilalagay daw ito sa tama at legal na proseso maging ang pagbibigay ng financial assistance sa mga mahihirap lalo na sa pangangailangang medikal.
“Hindi po ako magpapasikat na maglalabas sa aking bulsa, Ang assistance na ibibigay po namin sa inyo ay itatama po natin sa badyet po natin. Kung ano po ang naitutulong kong extra, ito po ay personal na po ni Cristy Angeles, as much as we can, patuloy po kaming nage-extend ng assistance lalo na sa ating mga indigents,” pagsisiguro ni Angeles.
Naroon din sa pagpupulong si Vice Mayor Genaro M. Mendoza na nagdeklara rin ng suporta at tulong ng Sangguniang Panlungsod sa mga proyektong nais ipatupad sa mga barangay.
Nabigyan ng pagkakataon ang mga opisyales para sa kanilang suwestiyon at mga kahilingan at isa rito ay hiling ng ilang mga kapitan na busisiin at pag-aralan muli ang ilang mga proyektong naipagawa sa kanilang mga barangay na kung saan ang ilan ay hindi natapos at iniwang nakatengga ng ilang mga kontratista.
Ipinangako ng alkalde na aaksiyunan ang kanilang mga hinaing./Tarlac CIO
