Mayor Cristy Angeles, dumalo sa programa ng DILG

Nagtungo noong Oktubre 3 sa Maynila si Mayor Cristy Angeles upang dumalo sa isang mahalagang programa na pinangungunahan ng Department of Interior and Local Government o DILG.

Ang programa na may temang “Sulong Pilipinas Local Government Series: LGU Consultation on Peace and Order, and Social Development” na naglalayong tipunin ang mga lokal na opisyales ng iba’t-ibang lalawigan sa bansa upang pag-usapan ang mga isyu at programang pagkapayapaan at kaunlaran.

Maliban sa mga opisyales ng DILG, ang aktibidad ay dinaluhan din ng mga opisyales mula sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno tulad ng Philippine National Police (PNP), National Security Council (NSC), at National Economic and Development Authority (NEDA).

Kasama sa delegado ng Tarlac sina Governor Susan Yap, Vice Governor Carlito David, Tarlac City Administrator Vladimir Mata, DILG Tarlac City Danilo Rillera at iba pa.

Nagkaroon ng pagkakataon si Mayor Cristy na mapakinggan at makilahok sa mga diskusyon ng mga panauhing tagapagsalita tulad nina Dr. Evelyn Cruzada mula sa Office of the Cabinet Secretary, Director Lorenzo Clavejo ng NSC na naglahad ng National Security Policy para sa taong 2017-2022, at ilang mga kinatawan mula sa NEDA na ipinakilala naman ang “Ambisyon Natin 2040”.

Ayon sa NEDA, ang “Ambisyon Natin 2040” ay isang proyekto na naglalahad ng mga pangmatagalang hangarin para sa bansa sa susunod na 25 taon.

Layunin nito na makagawa ng isang mabisa at makatotohanang programa para sa bansa na magiging basehan ng administrasyon sa pagpaplano nito sa mga susunod na taon.

Pinangunahan naman ni DILG Sec. Ismael Sueño, kasama sina ASec. Roosque Calacat at USec. John Castriciones at ni PSSupt. Renz Ortilla ng PNP ang usapin patungkol sa mga programang pangkapayapaan sa bansa partikular na ang kasalukuyang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa illegal na droga at ang rehabilitasyon na ipinapatupad sa buong bansa.

Dumalo rin sa programa si Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara, Chairman of the Senate on Local Government Committee, na nagpahayag ng buong suporta sa mga programang nabanggit lalo na para sa lokal na gobyerno.

Nagkaroon din ng pagkakataon si Mayor Cristy na maka-usap ang ilang mga kinatawan ng DILG at si Senador Angara patungkol sa nalalapit na pagdaraos ng Barangay Anti-Drug Abuse Summit sa Tarlac City./Tarlac CIO

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *