Pagpapalapad ng NLEX Sta. Rita-San Fernando, target matapos ngayong Disyembre

LUNGSOD NG MALOLOS – Target ng Manila North Tollways Corporation o MNTC na matapos at madaanan ngayong Disyembre ang nilalaparang bahagi ng North Luzon Expressway o NLEX mula Sta. Rita, Guiguinto sa Bulacan hanggang lungsod ng San Fernando sa Pampanga.

Sinimulan ang proyekto nitong Marso gamit ang pondong 2.2 bilyong piso.

Ayon kay MNTC President Rodrigo Franco, mula nang maging moderno ang NLEX noong 2005 ay humigit pa sa 50 porsyento ang itinaas ng daloy ng trapiko.

Nadadagdagan pa ng 25 porsyento ang dami ng mga sasakyan tuwing Semana Santa, Undas at Kapaskuhan.

Kaugnay nito, may hiwalay na 235 milyong piso ang ginugugol sa inilalatag na bagong dalawang linya pa para sa bahagi ng NLEX mula Dau hanggang Sta. Ines sa lungsod ng Mabalacat.

Layunin nitong gawing ligtas ang pagbibiyahe sa bahaging ito ng expressway na ayon sa Tollways Management Corporation ay nagtala ng pinakamaraming bilang ng naaksidente kahit apat na kilometro lamang ang haba.

Samantala, pinag-aaralan na rin ng MNTC kung magkano ang magagastos sa pagpapalaki ng tulay sa Bocaue Interchange na nakakaranas ng palagiang pagsisikip sa daloy ng trapiko. (CLJD/SFV-PIA 3)

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *