Corruption, pag-abuso sa gobyerno lumala

Pangakong napako.

Corruption hindi nabawasan kundi mas tumindi. Pang-aabuso ng mga nasa gobyerno lalong lumala.

Dagdag pa diyan ang problema sa droga na patuloy na lumalala rin dahil sa maling solusyon.

Hindi po ito paninira kundi makatotohanang obserbasyon.

Sa usapin na lamang ng mga colorum uv vans, noong 2010 halos 30 lamang sila. Noong 2015 umabot na sila ng 100 at ngayon mahigit 300 na ang mag colorum na pumapasada sa mula Tarlac City hanggang Moncada.

Sabi nga ng isang lider ng isang transport coop, “Kung hindi pinu-protekhan ng mga taga-LTO ang mga colorum, hindi sila dadami ng ganyan. Hindi kami nagkulang, nagreklamo kami sa kapulisan, sa LTO Region 3 office at pati sa Malacanang, pero walang gumagalaw, hindi pinatigil ang mga colorum”.

Bakit nga ba walang nanghuhuli sa mga colorum? Sabi ng mga taga-LTO, “magaling silang umiwas kaya hindi namin sila mahuli”.

Simberguwensa! Hindi naman kasing laki ng mga daga ang mga colorum na puwede silang magtago sa mga ila-ilalim. Puro sila mga van na puti na araw-araw makikitang nakaparada sa istasyon ng pulis Gerona, sa tapat ng UCPB at PNB Paniqui, at sa Tarlac City sa harap ng Palm Plaza, sa tabi Metrotown at sa tapat ng SM Tarlac.

Ara-araw makikita sila doon, nakahilera na parang parada ng mga puting vans, pero hindi na daw mahuli ng mga taga-LTO? Ogag lang ang maniniwala sa inyo!

Mas masakit, sa harap mismo ng LTO Paniqui araw-araw na dumadaan doon ang mahigit 300 colorum pero walang nahuhuli. Magkano ba ng lagay, P5,000/month nga ba per unit?
Pakapalan kasi ng mukha usong-uso na ngayon. Walang tigatig ang mga dati ng kurakot sa gobyerno dahil, sa kabila ng pangakong “In 3 to 6 months, I will stop corruption and drugs”, wala namang totoong nangyayari. Walang nakukulong na corrupt, wala ring ikinukulong sa mga magnanakaw sa pamahalaan.

Di ba lumaya na si ex pres GMA at si sen Jinggoy?

Naalala niyo ba nag offer ang Mighty corporation ng P25 Billion settlement sa tax evasioncase nito na P37 Billion? Ang nangyari, ina-atras ng BIR ang reklamo nito sa Mighty at di-nismis ng DOJ ang kaso at hindi sinabi kung saan napunta ang P25 Billion ng Mighty.

Hindi na yata barya-barya ang pagnanakaw ngayon, at lantaran na ang pagtakip sa mga nakawan, sa LTO at saan-saan pa.

Mukhang kailangang mag-balik aral sa kasaysayan, “Kung gusto nating may magbago, tayo mismo ang magpapabago sa mga maling pamamalakad”.

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *