DOT, nagsagawa ng Ika-Anim na Central Luzon Health & Wellness, Farm Tourism Expo

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Isinagawa kamakailan ng Department of Tourism o DOT, sa pakikipagtulungan sa Spa and Wellness Association of Pampanga, ang ika-anim na Central Luzon Health & Wellness and Farm Tourism Expo.

Pangunahing layunin ng nasabing aktibidad na may temang “Spring into Wellness through Agriculture” na turuan, i-promote at ipakita ang mga produkto at serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng nasabing industriya at bigyang-diin ang mga potensyal na ambag nito sa pag-unlad ng ekonomiya.

Ayon kay DOT Regional Director Ronaldo Tiotuico, isinama nila sa taong ito ang pagpapakita ng agri-tourism at organic farms bilang karagdagang bahagi upang hikayatin ang publiko na tangkilikin ang countryside tourism at lalong mapalago ang industriya ng agri-tourism, na nakapokus sa kalusugan at pagtatanim ng masustansyang pagkain.

Kabilang sa mga paksang tinalakay ang pagsisimula ng isang farm tourism enterprise, mga kagamitan at estratehiya upang i-promote at i-market ang isang farm tourism enterprise, mga alternatibong financing option, at pagtatakda ng presyo ng isang farm tourism package. Bukod sa mga talakayan, nagsilbi ring lugar ang expo para sa mga katanungan at pagbabahagi ng mga karanasan ng mga farm tourism site owners upang lalong mapalakas ang agri-tourism sa rehiyon. Tampok rin sa tatlong araw na kaganapan ang iba’t-ibang company exhibits, on-site product presentations, libreng wellness clinics, at cooking demonstrations. (CLJD/MJLS-PIA 3)

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *