TARLAC CITY [CIO]– Bilang pagtugon sa mahigpit na kahilingan ng mga Muslim vendors na mabigyan sila ng Identification Cards [IDs] bilang pagkilala na sila ay mga lehitimong residente at mga negosyante sa lungsod, ipinamahagi ni Mayor Cristy Angeles ang unang batch ng kanilang mga ID nitong Nobyembre 13.
Tuwang-tuwang tinanggap ng opisyales at kinatawan ng United Muslims Association of Tarlac at iba pang grupo ng Muslim vendors sa Pamilihang Bayan ng Lungsod ang unang batch ng IDs sa isang simpleng seremonyang ginanap sa opisina ni Mayor Angeles.
Mahigit 900 vendors na kabilang sa apat [4] na Muslim organizations ang bibigyan ng mga IDs na magpapatibay sa kanilang katayuan bilang mga residente at kwalipikado silang maging benepisaryo ng mga serbisyo at programa ng Pamahalaang Lungsod.
Magkakaroon ng malaking pagtitipon sa susunod na mga araw na kung saan ay ipamamahagi ni Mayor Cristy ang kabuuang bilang ng mga IDs.
Ang mga Muslim vendors ay kabilang sa mga benepisaryo ng mga programa ni Mayor Cristy sa pagsasa-ayos ng mga pamilihang bayan tulad ng Tarlac City Riverside Street Food Alley at Tiangge Market at pamamahagi sa mga market stalls na abandonado o may paglabag sa Market Code na binawi ng lokal na pamahalaan./@tarlac.cio
