SUBIC BAY FREEPORT ZONE – Ipapasubasta na ng Clark International Airport Corporation o CIAC ngayong 2017 ang kontrata para sa pagtatayo ng Terminal 2 ng Clark International Airport o CRK.
Iyan ang kinumpirma ni CIAC President Alexander Cauguiran sa ginanap na CRK North Philippines Road Show sa Subic Bay Freeport Zone.
Sa itatayong Terminal 2 ng CRK, idinesenyo ang Phase 1 upang makapaglulan ng walong milyong pasahero sa kada taon.
Dalawang palapag na gusali ang magiging istraktura nito na may 16 na tubes o air bridges.
Nagkakahalaga ng 15 bilyong piso ang proyekto na target matapos sa unang bahagi ng 2020.
Binubuo ng limang bahagi ang proyekto sang-ayon sa Master Development Plan na ibinalangkas ng Aeroports de Paris na resulta ng naging state visit ni dating French President Francois Hollande sa bansa.
Sa ilalim ng Phase 2, papalakihin pa ang naturang terminal upang makapaglulan ng 22 milyong pasahero kada taon.
Kasama na rito ang pagtatayo ng sariling terminal para mga cargo at parcel planes at mga maintenance and overhauling facilities para sa mga eroplano.
Iba pa rito ang paglalagay ng sariling hangar para sa Airbus A380, ang pinakamalaking commercial jet sa buong mundo at maging sa mga private lear jets at helicopters.
Nakatakda ring maglatag ng secondary runway ang CIAC upang maiwasan ang airport congestion sa panahon na sabay-sabay ang lumalapag at lumilipad na mga eroplano sa Clark.
Kaya ng kasalukuyang runway ng Clark na mapalapag o mapalipad nang sunud-sunod ang may 45 mga malalaking eroplano kada oras.
Malayung malayo ito sa 26 eroplano kada oras na kayang ipalipad o ipalapag sa nag-iisang runway ng Ninoy Aquino International Airport, na inaasahan ng apat nitong mga terminal.
Samantala, binubuo na rin ang plano para sa Terminal 3 ng CRK kung saan kasabay nito ang paglalatag ng ikatlong runway. (CLJD/SFV-PIA 3)
