By: Bing Farres
Second of three parts
Malala na ang problema sa Lungsod ng Tarlac. Ilang mga sikat na fastfood chains ang aming pinuntahan at aming nakita na may langaw din sila. Ang nakalulungkot ay ang parang bibihira sa mga customers ang naba-bother. Pati mga staff, wala kaming nakitang effort para patayin ang mga ito.
Sa isang Korean restaurant, nakita rin namin ang dami ng langaw, but at least they exert effort na patayin sila. Meron silang sturdy-looking fly swatters. Tinanong ko saan nila nabili ito dahil wala akong makitang ganoong klase dito sa Tarlac, ang sabi nila binili ito ng boss nila sa Angeles City. Goodness!
Langaw has now become an accepted part of Tarlac City living by many. It is the new normal. Or is it really new?
Ipagpatuloy natin ang ating pag-aaral patungkol sa mga langaw, sa pag-asang sa pamamagitan nito ay mabago ang ating pananaw sa mga langaw.
Pag-uugali (behavior) ng langaw
Ang langaw ay natutulog din sa gabi at gising sa araw. Karamihan, natutulog sila sa isang bagay na may 5 meters ang taas (sampayahan, kisame, kurtina, halaman, o anumang bagay). Gustong gusto nila ang nakalambitin o hanging nakalambitin wires. May mga ibang langaw naman na nakaka-adjust sa artificial light na gamit natin sa gabi kaya sila din ay gising.
Mas aktibo ang langaw sa temperatura na 20-25⁰C. Hindi sila malimit makita sa temperatura na mas mataas sa 45⁰C o mababa sa 10⁰C. Ito ang dahilan kung bakit dumarami ang langaw sa bandang hapon, at kung bakit mas gusto nila sa loob ng bahay kung mainit sa labas.
Epekto ng Langaw sa Kalusugan (Public Health Impact)
Psychological impact – Istorbo ang langaw sa ating pang-araw-araw na gawain. Istorbo sa pag-tulog, istorbo sa pagkain, istorbo sa pamamahinga.
May negative psychological, emotional, at physical impact ito kapag ito ang dahilan ng hindi maayos na pagtulog, hindi maayos na pagkain, at hindi maayos na pamamahinga ng tao.
Ang presensiya ng langaw ay masasabi ring isang sign ng unhygienic condition o maruming kapaligiran. Nakakahiya sa mga bisita na hindi sanay sa langaw sa Tarlac at hindi nila maintindihan kung bakit napakaraming langaw. Ang iisipin nila ay marumi ang kapaligiran ng isang bahay.
Mga sakit na dulot ng langaw – Maraming sakit ang naikakalat ng langaw dahil kinakain ng mga ito ang mga basura, dumi, mga nabubulok na bagay, at mga pagkain din ng tao. Ang mikrobyo at mga fecal matters (mga dumi) ay kumakapit sa mga langaw, at puwede itong mailipat sa atin pag dumapo sila sa ating inumin, pagkain o sa ating gamit sa pagkain (plato, kutsara, baso, lutuan, atbp). Pag nadapuan din ng langaw ang ating open wound (sugat) ay puwede rin itong ma-impeksyon. Marami ring mikrobyo sa tiyan ng langaw dahil sa kinakain nila, kaya kapag ang langaw ay nalunod sa inyong kape ay dapat niyo na itong itapon at baka pa ito maging sanhi ng inyo pagkakasakit. Ang laway din ng langaw ay maaring may mikrobyo. Kung maalala ninyo, sa unang bahagi ng artikulong ito, nasabi na dinuduraan ng langaw ang mga dry (tuyo) na pagkain para ito mabasa at kanilang makain. Kapag dumapo ang langaw sa ating pagkain, hindi lang ang dumi mula sa kanilang paa, pakpak at maliit na balahibo ang puwedeng mapunta sa pagkain natin kundi pati na ang dura at dumi (tae) nila. Kung inyong mapapansin, sa lugar na dinadapuan ng langaw ay may mga bilog-bilog na itim na bagay. Ito ay tinatawag na spotting sa Ingles. Ito ay tae ng langaw. Kain sila ng kain, tae din dila ng tae. Kadiri!
Pagtatae – Ang langaw ay puwedeng sanhi ng enteric infections katulad ng dysentery, diarrhea, typhoid, cholera, atbp. Ang mga impeksyon na ito ay sanhi ng pagtatae. Ang mga bata, matatanda, at mga taong may mahinang resistensiya ang kadalasang nagiging biktima ng mga sakit na ito. Ang pagtatae, kung hindi maagapan ay nakaka-dehydrate na puwedeng ikamatay lalo na ng mga bata at matatanda.
Bulate sa tiyan – Ang langaw din ay puwedeng sanhi ng pagkakaroon ng bulate sa tiyan dahil sa mga dumi na dala-dala nia.
Impeksiyon sa balat – Pag may sugat at dinapuan ito ng langaw ay maaring maipeksiyon ito. Maari pa nila itong pangitlugan.
Impeksiyon sa mata – Maari ding maging sanhi ng conjunctivitis (pamamaga at pamumula ng mata) ang langaw. Kung sa inyong pagtulog ay dinapuan ng langaw na may dalang mikrobyong sanhi ng conjunctivitis ang gilid ng inyong mata, ay maaring maipeksyon ka rin nito.
Ang mga nabanggit ay mga common o pangkaraniwan lamang na mga sakit na dulot ng langaw. Sa pananaliksik ng mga dalubhasa, ay aabot ng mga 60 na mga klaseng sakit ang puwedeng makuha dahil sa langaw. Muli, ang pinaka-apektado nito ay mga bata, matatanda, at ang mga may sakit.
Kung hindi natin puksain ang mga langaw sa Tarlac ay magkakamot na lang tayo ng ulo kung bakit madalas sumakit ang tiyan, magtae, at may mga bulate ang mga bata kahit na pinapantili nating malinis ang ating kapaligiran.
Sa susunod ay ating aalamin kung anu-ano ang ating puwedeng gawin (ayon sa nga dalubhasa) para ma-control (at kung maari ay tuluyang mapuksa) ang langaw. Hindi naman tayo nag-nanais maging Singapore (bibihira ang langaw sa Singapore), ngunit sa pagtutulungan nating lahat at kaya nating i-control ito. Marami ring puwedeng gawin ang ating mga liderato, ang ating local government, lalo na ang ating City Health Office kung talagang gusto nila itong malunasan. Ika nga, kung gusto, maraming paraan; kung ayaw, maraming dahilan.
-to be continued-
