Mahigpit na pagbabantay sa pamasahe sa tricyle, inumpisahan na

LUNGSOD NG TARLAC — Tinugon ng administrasyong Angeles ang suliranin ng mga Tarlakenyo kasunod ng maraming reklamo hinggil sa umano’y mga abusadong drayber ng pampasaherong tricycle na sobrang maningil ng pamasahe sa mga mananakay dito.

Ang mga tauhan ng City Transport and Traffic Management (CTTMG) at Public Order and Safety Office-Traffic Management Unit (POSO-TMU) ay inatasang mahigpit na magbantay ng wastong paniningil sa pamasahe.

Hapon ng Agosto 7, pinangunahan ni Engr. Godfrey Dominic Aquino ng CTTMG at SPO4 Alejandro Listerio (Ret) ng POSO-TMU ang pagmudmod ng batayan sa itinakdang pamasahe (fare rate guide) na ididikit sa loob ng tricycle upang malaman ng mga pasahero ang wastong halaga ng pamasahe sa iba’t-ibang rota sa lungsod.

Ang batayan ng pamasahe ay alinsunod sa Pambayang Kautusan Bilang 014-12 (October 11, 2012) na nagtatakda ng halaga ng pamasahe kung saan nakasaad na P15 ang minimum rate para sa isang pasahero, P10 para sa senior citizen, P10 sa estudyante, at P25 para sa dalawang pasahero.

Bawat dagdag kilometro ay may dagdag na P5 para sa isang pasahero at P10 para sa dalawa.

Makukumpiska ang license permit plate at isang buwan na masususpinde ang prankisa ng lalabag sa kautusang ito sa unang pagkakataon.

Samantala, tatlong (3) buwan na suspension hanggang sa pagkensela nito ang maaaring maipataw sa mga susunod na paglabag.

“Nakakaalarma ang mga reklamo sa overcharging kaya ang ginawa naming hakbang ay ang paglalagay ng mga billboard sa SM City, sa Barangay Poblacion at sa mga paaralan bukod pa sa pagdidikit ng mga stickers sa loob ng mga tricycle,” ani Engr. Aquino sa panayam hinggil sa isyu.

“Ang mga sumbong na nakakarating sa amin ay agad na inaaksyunan sa pamamamagitan ng pag-iimbita sa drayber at nagrereklamo sa aming opisina,” dagdag ni Engr. Aquino.

Ayon kay Engr. Aquino, ang pagtanggi ng driver na makipagtulungan ay maaaring mauwi sa paglabag sa iba pang ordinansa.

Ang istriktong pag-implimenta sa ordinansang ito ay makatutulong din sa pagsubaybay sa mga colorum na iiwasang nang sakyan ng mga pasahero.

Ang mga iba pang ordinansa katulad ng pagtakda sa kulay ng mga pribadong tricycle ay susunod nang bibigyan ng pansin ng Pamahalaang Lungsod.

Kung may reklamo hinggil sa hindi wastong pagsingil sa pamasahe, maaring itawag o i-text sa 09494385059 at 09453198673. Isaad ang Body Number, lugar na pinanggalingan at pupuntahan. Maaari ring magpadala ng reklamo page na ito o sa www.facebook.com/TarlacCTTMG.

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *