LUNGSOD NG CABANATUAN — Napagwagian ng mga estudyante mula Bulacan at Tarlac ang unang pwesto sa kauna-unahang Poster Making at Essay Writing Contest ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council 3 kaugnay ng paggunita ng National Disaster Resilience Month o NDRM.
Kampeon sa Poster Making Contest si Gerald Von Ivan Robenta ng Patubig Elementary School mula Marilao, Bulacan kung saan nakapaguwi ito ng plake, medalya, at limang libong piso.
Pumangalawa ang kamag-aaral na si Charlanda Kaela Fullo na nakakuha ng apat na libong piso habang pumangatlo si April Del Rosario mula sa Sta. Monica Elementary School ng bayan ng Hagonoy sa Bulacan na may tatlong libong piso.
Sa kabilang banda, nasungkit ni Marla Eunice Camanong ng Tarlac National High School ang unang pwesto sa Essay-Writing Contest kung saan nakamit din ito ang plake, medalya, at limang libong piso.
Pumangalawa sa kanya si Amira Joy Dela Cruz ng Dr. Felipe National High School sa Bulacan na may apat na libong piso habang pumangatlo si Kathleen Joy Endaya ng Fort Magsaysay National High School sa Nueva Ecija na may tatlong libong piso.
Ayon kay Office of Civil Defense o OCD Information Officer Francesca Quizon, layunin ng aktibidad na maipadama sa mga kabataan ang kahalagahan ng kahandaan at kaalaman sa kalamidad gayundin ang pagiging likas sa ating mga Pilipino na matatag sa anumang unos na dumating sa buhay.
Bukod pa rito aniya ay mainam ding mamulat sa murang isipan at paningin ng mga kabataan ang pagiging resilient sa oras ng pangangailangan lalo na tuwing mayroong sakuna.
Naka-angla ang NDRM ngayong taon sa temang “4Ks: Kamalayan sa Kahandaan, Katumbas ay Kaligtasan.”
Ang mga nagwagi ng unang pwesto ang siyang pambato ng rehiyon sa National competition.
Kabilang sa mga nagsilbing hurado sa mga naturang patimpalak ang mga kinatawan mula OCD, Department of Education, Department of the Interior and Local Government, at Philippine Information Agency. (CLJD/CCN-PIA 3)
