LUNGSOD NG TARLAC – Kasalukuyang ipinagdiriwang ng pamahalaang lungsod ang 38th National Disability Prevention and Rehabilitation Week (NDPRW) na inilunsad sa isang maikling programa kasabay ng flag-raising ceremony sa Tarlac City plazuela, Hulyo 18.
Layunin ng pagdiriwang na magsulong ng mga programa para itaas ang kapakanan at karapatan ng mga persons with disability.
Ang paglulunsad na may temang “Karapatan ng may Kapansanan, Isakatuparan, Now Na” ay inorganisa ng City Social Welfare and Development Office na pinamumunuan ni Clarinda Q. Apuan na nagbigay ng ilang impormasyon tungkol sa programa at ilan sa mga aktibidad na nakalinya para sa buong linggo (Hulyo 17-23) ng pagdiriwang.
Ayon kay Apuan, sa kasalukuyan ay mayroong 161 enrolled PWDs ang kinakalinga at natutulungan sa pamamagitan ng Early Intervention and Development Program ng kanilang tanggapan.
Hinimok niya ang lahat na suportahan ang mga PWDs na may mga kasanayan at nais magtayo ng kani-kanilang kabuhayan.
“Meron po tayong tatlong SAMAKA member na marunong sa massage at reflexology at kung magkaroon po sila ng espasyo sa opisina ng Special Education Program ay bibigyan po sila ng lugar para po sila ay tatanggap ng customer para magkaroon naman po sila ng kaunting income,” ani Apuan.
Siniguro niya ang pagpapatuloy at pagpapalakas pa ng programa para sa mga PWDs dahil sa pagbibigay prayoridad dito ni Angeles.
Sinang-ayunan naman ito ni City Administrator Vladimir Mata at siniguro rin paglalaan ng mga programa para sa mga naturang sektor.
“Bakit po pinapahalagahan ang mga PWDs? Dahil sila nga po ay differently-abled, at pangalawa, dahil po sila ay isa sa mahahalagang sektor ng lipunan na nasa kaibuturan ng puso ng ating mahal na mayor. Sa katunayan sa mga meeting natin at sa mga programang nais ilunsad ni mayor pangunahing agenda niya ang mga PWDs, mga women’s group at siyempre ang mga senior citizens,” ani Mata.
Sa bisa ng proklamasyon bilang 361 na pinirmahan ng dating Pangulong Joseph Ejercito-Estrada ay dineklara ang pag-oorganisa ng NDPRW tuwing ikatlong linggo ng Hulyo ng bawat taon kasabay ng pag-gunita sa kapanganakan ni Apolinario Mabini na tinawag na dakilang paralitiko, modelo ng mga may kapansanan at nagbigay ng malaking bahagi sa kasaysayan ng bansa.
Kabilang sa mga nakalinyang aktibidad sa taong ito ang pakikibahagi ng PWDs at kanilang pamilya sa Backyard Tree Planting activity ngayong araw kasama ang Save the Earth Movement; Family bonding activity at kaunting salu-salo, Hulyo 19; Seminar sa Responsible Parenthood, Hulyo 20; Family Fun Day kung saan kasama ang PWD Got Talent Dance and Singing Contest at Family Arts and Crafts Competition, Hulyo 21; Forum on the Rights of PWDs, Hulyo 22; at Medical at Dental Mission sa Hulyo 23.
Dumalo sa programa ang 20 miyembro ng Samahan ng may Kapansanan o SAMAKA na pinamumunuan ng pangulo nito na si Romy Ronaldo Villa at 10 pipi.
Naghatid naman ang mga piling PWDs ng mga masisiglang awitin at sayaw sa harapan ng ilang opisyales ng pamahalaang lungsod gaya nina Konsehal Ricky B. Diolazo, Jerome Lapeña, Roel P. Quiroz, at Cesar Go, City Administrator Vladimir T. Mata, mga department heads, kawani ng pamahalaang lungsod at ibang ahensya.
Isang PWD naman ang nagbigay ng kanyang Charcoal painting bilang regalo kay Mayor Maria Cristina Angeles./City Information Office
