BOCAUE, Bulacan – Magagamit ng mga motorista at biyahero ang lahat ng linya sa kahabaan ng North Luzon Expressway o NLEX at Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX dahil suspendido lahat ng pagawain mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 3.
Ito’y bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga sasakyang patungong Gitna at Hilagang Luzon ngayong papalapit ang mahabang bakasyon para sa Araw ng mga Santo at Kaluluwa.
Ayon kay Manila North Tollways Corporation Vice President for Construction Management Service Nemesio Castillo, kabilang sa mga pansamantalang ihihinto ang kasalukuyang ginagawang pagpapalapad sa kahabaan ng NLEX mula sa bahagi ng Sta. Rita exit sa Guiguinto hanggang San Fernando, Pampanga.
Magagamit na rin ang ilang bahaging tapos nang laparan o ang dating dalawang linya ay tatlong linya na.
Tinapos na rin ang mga bahagi ng NLEX na isinailalim sa iba’t ibang preventive maintenance habang pansamantalang hininto ang mga hindi natapos at pinadaanan muna sa mga motorista.
Sa SCTEX, hininto na muna ang ginagawang asphalt overlaying upang magamit ang lahat ng apat na linya o tig-dalawang linyang salubungan patungong Subic Bay at La Paz sa Tarlac.
Kaugnay nito, tiniyak ng Tollways Management Corporation na nakabukas ang lahat ng toll booths sa lahat ng mga tollgates sa lahat ng direksyon ng NLEX at SCTEX.
Ito’y upang matiyak na hindi magkaroon ng mahabang pagpila ng mga sasakyang nagbabayad ng toll fee.
Nakalabas din ang lahat ng mga patrol cars at crews upang umalalay sa mga motoristang mangangailangan ng tulong kagaya ng minor trouble shoot sa mga masisiraan ng makina.
Magiging libre naman sa nasabing mga petsa, mula alas-6 ng umaga hanggang alas-sais ng gabi ang paghatak o towing ng mga sasakyang titirik sa gitna o gilid ng NLEX at SCTEX.
Kapag hinatak ang sasakyan, dadalhin ito sa pinakamalapit na gasolinahan at doon kukumpunihin.
Magiging 24 oras sa nasabing mga petsa magbibigay ng libreng mechanic service.
Mayroon ding mga libreng first aid sa lahat ng mga gasolinahan sa kahabaan at dinagdagan pa iyan ng libreng pamimigay ng mga bottled water at libreng malakas na Wifi-connections./(CLJD/SFV-PIA 3)