LUNGSOD NG TARLAC – Inilunsad ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Health Office ang paggunita sa Nutrition Month ngayong buwan ng Hulyo na layong mag-organisa ng mga programa upang maitaas ang kaalaman at kamalayan sa tama at wastong nutrisyon.
Isang makiling programa ang isinagawa na pinangunahan ni Mayor Cristy Angeles na isinabay sa flag-raising ceremony ngayong araw (Hulyo 11) kung saan isinabay ang paglulunsad ng okasyon.
Ngayong taon, ang aktibidad ay may temang “First 1,000 days ni Baby, Pahalagahan Para sa Malusog na Kinabukasan”, na naka-sentro sa pagbibigay ng tamang impormasyon tungkol sa nutrisyon ng mga sanggol maging sa kanilang mga ina.
Ipinaliwanag naman ni city health officer Dr. Ma. Carmela L. Go sa kanyang mensahe ang kahalagahan ng nutrisyon sa unang 1,000 araw ng mga bata mula ng ipinagbubuntis pa lamang ng kanilang mga ina hanggang sa ikalawang kaarawan dahil itinuturing ito na “Golden Window of Opportunities” na kung saan kritikal ang pagbibigay ng tamang nutrisyon lalo na’t nabubuo pa lamang ang pisikal at mental na kalagayan ng mga bata.
“Good Nutrition for both mother and child during this period can help maximize the child’s ability to grow, learn and develop that has a profound effect on, the child’s health, well-being and success later on in adulthood,” ani Go.
Kung hindi matutukan ang nutrisyon ng mga bata sa nasabing panahon kung kailan mabilis ang kanilang pagbabago ay maaaring mabuo ang mga sakit gaya ng pagkabansot, ayon kay Go.
Sa kabilang banda, maaari rin magkaproblema kung sobra naman ang nutrition o tinatawag na over-nutrition na may masamang epekto sa bata sa katagalan o sa paglaki nito gaya ng pagkakaroon ng mga non-communicable diseases tulad ng sakit sa puso, diabetes, at iba pa.
“The first one thousand days is the period of rapid growth and faltering happens where nutrient deficiencies can have long-term consequences,” ani Go.
Sa Pilipinas ay mayroong 33.4% o isa sa bawat tatlong bata ang bansot at upang maiwasan ito ay naglatag si Go ng mga paraan kung paano masisiguro ang tamang nutrisyon sa mga bata at ang mga maaaring gawin ng pamahalaang lungsod upang maipatupad ang mga programa sa kalusugan at nitrisyon at mapataas pa ang kaalaman ng lahat ukol dito.
Aniya, dapat magkaroon ng tamang pag-aalaga at nutrisyon sa mga nagbubuntis gaya ng madalas na pre-natal check-up, tamang diyeta at micronutrient supplementation, at panganganak sa birthing facility upang masiguro ang kaligtasan kapwa ng bata at ng nagsisilang.
Idinagdag niya na dapat maitaguyod ang pagpapasuso, tamang kaalaman dito at pagkakaroon ng maayos na nutrisyon sa mga nagpapasusong ina.
“Siyempre po pagkapanganak ng nanay at nailabas na ang bata importante po ang breast feeding. Alam naman natin na ang breast milk ang pinaka-masustansiya at murang pagkain na kailangan talaga ng bata,” ani Go.
Upang matugunan ito iminungkahi ni Go sa pamahalaang lungsod na maghain ng mga resolusyon o ordinansa na susuporta at magpapalakas sa Milk Code, sa Republic Act 10028 o ang “Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009” at pagbabawal sa panganganak sa bahay.
Ang pagdiriwang ay batay sa ipinag-uutos ng Presidential Decree No. 491 o ang Nutrition Act of the Philippines na naglalayong gunitain at ipagdiwang ang nasabing aktibidad bawat taon.
Nakatakda ring gunitain ang selebrasyon ng Breastfeeding Month sa buong buwan ng Agosto kung saan magbibigay ng mga panayam at mag-oorganisa ng iba pang programa ang mga health centers sa lungsod para sa mga nanay.
Samantala, sabay ding inilunsad ang programang “Oplan Goodbye Bulate Harmonized School and Community Deworming” na sisimulan sa pagbibigay ng libreng gamot pampurga sa mga bata na may edad 1-4 taon at sa mga mag-aaral na may edad 5-18 taon.
Ang mga pampurga ay ipamamahagi sa mga barangay at mga health centers sabay ng pagbabahay-bahay ng mga health workers upang maabot lahat ng mga benepisyaryo. Ito ay isinasagawa tuwing Enero at Hulyo.
Magkakaroon din ng oryentasyon sa programa para sa mga Department of Education Health and Nutrition Leaders at Parents-Teachers Association (PTA) na gaganapin sa Sto. Cristo Elementary School sa Hulyo 14.
Sinimulan na rin ng CHO ang pagbibigay ng libreng bakuna laban sa Pneumococcal Diseases para sa mga nakatatanda na may edad 60-65 taong gulang sa lahat ng mga barangay na magtatapos sa Agosto 9 kung saan mahigit sa 2,000 ang mabibigyan ng proteksyon laban sa bacteria na maaaring maging sanhi ng mga sakit gaya ng sakit sa dugo, meningitis at pulmonya.
Ayon naman kay Angeles, magbibigay ng malaking suporta ang kanyang administrasyon sa mga programa sa kalusugan at lalo pang palalakasin ang mga kasalukuyang programa at mas paaangatin pa ang mga ito dahil ang taumbayan ang siyang pinakamahalagang yaman ng lungsod.
Kaisa ng pamahalaang lungsod, ang iba’t-ibang ahensya gaya ng National Nutrition Council, DOH at `mga grupo sa paglulunsad ng mga makabuluhang programa para sa Nutrisyon at magandang kalusugan./Tarlac City Information Office
