Pagbubukas ng Exit ng Sto. Tomas sa NLEX at Bypass Road, inendorso ng RDC

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga – Pinagtibay ng Regional Development Council o RDC ang isang resolusyong humihiling sa Manila North Tollways Corporation o MNTC na makapagbukas ng bagong exit sa North Luzon Expressway o NLEX sa bahagi ng bayan ng Santo Tomas sa Pampanga.

Ayon kay RDC Vice Chair at National Economic and Development Authority Regional Director Severino Santos, kapag naisakatuparan ang proyekto ay mapapaluwag nito ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa San Simon exit ng NLEX at maging ang mabagal na daloy ng mga sasakyan sa MacArthur Highway sa bahagi ng San Simon at Apalit.
Kakambal ng pagbubukas ng panukalang bagong Santo Tomas Exit ay ang paglalatag ng bagong kalsada, ang Santo Tomas Bypass na mag-uugnay sa exit hanggang sa Pasac-Culcul National Road.

Kung ang panukalang exit ay hinihiling sa MNTC, ang panukalang bypass naman ay hinihiling na mapapondohan ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa susunod na pambansang badyet ng 2018.

Samantala, habang hinihintay pa ang katuparan ng dalawang proyektong imprastraktura, nilalaparan ng DPWH ang service road na nag-uugnay sa MacArthur Highway patungo sa San Simon Exit ng NLEX sa may barangay Sto. Domingo.

Binawi ng DPWH ang road-right-of-way sa mga nagsipagtayong iligal na istraktura sa kahabaan ng nasabing service road dahil ‘kinain’ na nito ang isang buong linya ng daan kaya’t naging salubungang kalsada lamang ito.

Giniba ang mga istraktura na dating mga vulcanizing shops, talyer at auto supply shops.
Ngayong nalinis na ang lahat ng iligal na istraktura, inilalatag na ng DPWH ang apat na linyang konkretong kalsada.

Ito ang pangunahing daan ng mga pampasaherong bus na mula sa Pampanga patungong Metro Manila na may rutang dumadaan sa mga bayan ng San Simon, Apalit, Calumpit at lungsod ng Malolos hanggang sa Tabang exit ng NLEX. (CLJD/SFV-PIA 3)

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *