Patuloy ang programang pangkalasugan para sa kabataan ng Department of Health (DOH) sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd), Department of Interior and Local Government (DILG), at mga tauhan ng City Health Office (CHO) sa pangunguna ni Dr. Ma. Carmela L. Go.
Kasalukuyang isinasagawa ngayong buong buwan ng Agosto ang Measles-Rubella School-Based Immunizations para sa mga Grade 1 at Grade 7 sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Ang virus ng measles o tigdas ay nagdudulot ng pamamantal, ubo, sipon, iritasyon sa mata at lagnat. Maaari itong maging sanhi ng impeksyon, pulmonya, pinsala sa utak, at kamatayan.
Ang virus ng rubella o tigdas hangin naman ay nagdudulot ng pamamantal, arthritis (kadalasan sa mga babae), at lagnat. Kung magkakaroon ang isang babae ng rubella habang siya ay buntis, maaaring malaglag ang kanyang dinadala o maaaring maisilang na may malubhang depekto ang kanyang sanggol.
Ang mga sakit na ito ay lubhang nakakahawa at madaling kumalat sa pamamagitan ng hangin. Maaaring makuha ang mga ito sa pamamagitan ng pagiging malapit sa isang tao na may impeksyon na.
Ang pagpapabakuna ang siyang magiging proteksyon ng mga kabataan laban sa kumplikasyon ng mga sakit na ito.
Para sa schedule ng pagbabakuna, ang CHO ay nakikipag-ugnayan sa City Schools Division ng DepEd-Tarlac City. Ang pamunuan ng paaralan ang siyang mag-aanunsyo sa nakalaang araw ng pagbabakuna sa kanilang mga mag-aaaral./Tarlac CIO
