Sandbagging operations sa nasirang dike isasagawa

TARLAC CITY– Pinulong kamakailan ni Mayor Cristy Angeles ang iba’t-ibang pinuno ng mga departamento ng pamahalaang lungsod, lalo na ang mga kabilang sa City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) upang pag-usapan ang nakatakdang sandbagging operation sa nasirang bahagi ng dike sa Paninaan sa kahabaan ng Romulo Blvd. sa Tarlac River.

Ang aktibidad na tinawag na “Bayanihan” ay naglalayong mapaghandaan ang anumang masamang epekto ng mga pag-ulan na magdadala ng malalaking bugso ng tubig sa ilog na maaaring magdulot ng pagbaha sa malaking bahagi ng lungsod.

Sinimulan ang aktibidad sa pamamagitan ng pag-ipon ng mga buhangin simula Hulyo 20 bago ang aktuwal na pagsasalansan sa nasirang dike sa Hulyo 25. Tatagal ito ng 10 araw.

Batay sa plano, kakailanganin ang tulong ng 100 boluntaryo kada araw para isagawa ang sandbagging operations. Manggagaling ang mga ito sa ilang barangay sa kahabaan ng ilog maliban pa sa mga manggagaling sa iba’t-ibang ahensiya tulad ng AFP, PNP, atbp.

Ayon kay Angeles, kasado na sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapagawa ng dike ngunit habang hinihintay ito ay ipinasya ng kaniyang administrasyon na isagawa sa pamamagitan ng isang resolusyon ang sandbagging operations.

Nanawagan din si Mayor Angeles sa mga may mabubuting puso na mag-ambag ng anumang maaaring magamit sa panahon ng pagsasagawa ng operasyon bagama’t marami na ang nagpahayag ng kanilang suporta rito.

“Ito po ang dahilan kung bakit tinawag natin itong bayanihan dahil kailangan din nating tumayo sa sarili nating paa,” ani Angeles.

Kabilang sa mga nauna nang nagpadala ng kanilang bahagi ay si Gobernadora Susan Yap na nagbigay ng 20,000 sako at ilan pang nagmamalasakit na nangako ng mga pagkain tulad ng de-lata, bigas, at iba pang katulad nito na makakain ng mga volunteers habang isinasagawa ang aktibidad.

Matatandaan na dalawang beses nang nasira ang dike sa Romulo Blvd dahil sa hagupit ng mga nagdaang bagyo.

Samantala, sa isang pagpupulong ng Fil-Chinese community at ni Mayor Angeles, nangako ang mga ito na tumulong sa nasabing proyekto sa pamamagitan ng pag-donate ng mga sako at pagkain para sa mga volunteers./Tarlac City Information Office

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *