Solusyon sa trapiko sa lungsod, ipinatupad

LUNGSOD NG TARLAC – Sinolusyunan ng administrasyon ni Mayor Maria Cristina C. Angeles ang problema sa trapiko sa lungsod sa pamamagitan ng pinaigting na pagbabantay, implementasyon ng mga kasalukuyang ordinansa at paghuli sa mga drayber ng kolorum na traysikel, at mga lumalabag sa batas trapiko.

Sa programang inilatag at ipinatupad ng Public Order and Safety Office sa pamumuno ni Joselito C. Nelmida, isa sa pangunahing tinutukan nila ang pagpapaluwag ng F. Tañedo St. na parte ng central business district ng lungsod.

Sa Experimental Scheme na binuo ng POSO na naisumite kay Angeles, isa sa mga ipinatutupad ngayon sa kanilang pilot testing ang pagbabawal sa mga traysikel na pribado at pampasada na pumasok sa F. Tañedo, mula sa Panganiban St. hanggang Espinosa St. ngunit papayagan naman ang 442 pampasadang traysikel na makapamasada at maghimpil sa mga itatalagang terminal.

Limang traysikel ang awtorisado na humimpil sa mga pick-up points sa harapan ng RCS Supermarket, Talon Hospital, Cindy’s Restaurant, lugar ng Antigua at Midtown, Mercury Drug, Jelexie, Chowking, Sakto 100, SOGO at Cervantes store. Nakasaad ang tamang pasukan at labasan para sa mga traysikel na papayagan sa F. Tañedo.

Sila ay magiging pormal na kasapi ng ioorganisang Tañedo Tricycles Operator Drivers Association (TTODA) na irerehistro sa Securities and Exchange Commission.

Bago ipatupad ang naturang iskema, nagkaroon muna ng pakikipag-dayalogo ang pamahalaang lungsod sa mga tricycle drivers na maapektuhan ng mga ipatutupad na mga patakaran. Mismong si Mayor Angeles ang humarap at kumausap sa mga drayber.

Epektibo na rin ngayon ang pagbabawal ng double parking sa F. Tañedo maging ang pagparada sa kanang bahagi nito.

Regular na rin na nagsasagawa ng operasyon at panghuhuli sa mga kolorum at lumalabag sa batas trapiko sa pamamagitan ng pagbuo ng separadong seksyon ng POSO para sa Operation Tugis na pinamumunuan ngayon ni Jose Quiambao Jr.

Mula noong Hulyo 4 hanggang Hulyo 28, nakapagtala ang POSO ng kabuuang bilang na 512 na nahuling mga motoristang lumalabag sa batas trapiko at apat na public utility vans ang na-impound.

Nakikipagtulungan din ang Tarlac City Police Station para sa pagsasagawa ng mga operasyon o panghuhuli.

Planong maglagay ng POSO ng mga karatula para sa mga towing areas sa mga lugar sa F. Tañedo kung saan ipinagbabawal ang pagparada.

Hindi naman papayagan ang mga delivery trucks sa kalye mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi sa Panganiban St. hanggang Espinosa St.

Hiniling ng POSO na amiyendahan ang kasalukuyang batas at polisiya at pabigatin ang multa para sa mga Colorum na UV Express mula P500 hanggang P50,000.

Mahigpit na ring ipatutupad ang City Ord. No. 99-093 kung saan hihilahin ang mga sasakyan na mahuhuli na lumalabag sa batas trapiko.

Sa ngayon, patuloy na nagsasagawa ang bagong administrasyon ng information campaign tungkol sa mga batas at polisiya sa trapiko tulad ng tamang pagbaba at pagsakay para sa mga jeepney drivers at ang paggamit ng itinalagang pedestrian lanes.

Hiningi ni Mayor Angeles ang kooperasyon, pasensya at pang-unawa sa lahat, motorista at sidewalk vendors, para sa mga programa at idiniin na ito ay para naman sa kabutihan ng lahat./Tarlac CIO

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *