TAMOGEPA ‘Nagprotesta,’ Pulis Nanghuli ng Colorum

Gerona, Tarlac – – Pagkaka-isa at lakas ng loob talaga ang kailangan.

Ito ang mariing binanggit ni Bernie Fajardo, chairman ng Tarlac-Moncada-Gerona-Paniqui Transport Service Cooperative (TAMOGEPA), matapos magdaos ng ‘protesta’ sa Mac Arthur Highway malapit sa istasyon ng pulis dito noong Nobyembre 2 ng umaga.

Hinilera ang halos 100 miyembrong jip ng TAMOGEPA sa magkabilang panig ng highway bilang protesta sa “kawalan ng aksyon” sa reklamo nila laban sa mga colorum vans.

Dahil dito, napilitang manghuli ng mga colorum van ang mga pulis.

Ayon kay Fajardo, “paulit-ulit na lamang ang aming mga reklamo sa LTO, sa LTFRB, sa mga pulis, sa mga mayor, pero hindi nila hinuhuli ang mga colorum at kami pa ang pinag-iinitan kaya nagprotesta na kami”.

“Nagalit si hepe (OIC police chief PCInsp Rostico) Raposas sa aming simpleng protesta, pero bandang huli naintindihan din niya ang aming pinaglalaban. Matagal ng nagugutom at naghihirap ang aming mga pamilya simula pa noong 2010 dahil sa mga colorum pero walang ginagawa ang gobyerno sa aming problema”, banggit ni Fajardo.

Nauna rito, noong Nobyembre 1, hinuli at ikinulong ang isang drayber ng TAMOGEPA habang siya ay nagsasakay ng pasahero sa may tapat ng Total Gas Station malapit sa harap ng istasyon ng pulis dito. Pati ang kapatid ng drayber na 16 taong gulang ay sinaktan pa ‘di umano ni Raposas.

Sa panayam kay Mayor Eloy Eclar habang nagsasagawa ng protesta ang mga miyembro ng TAMOGEPA , sinabi niya na, “matagal ko nang pinapahuli ang mga colorum, ewan ko ba, bakit ayaw nilang hulihin ang mga ‘yan”.

Sa reklamo ng ama ng ikinulong na drayber sinabi ni Eclar na, “Huwag kayong matakot, puntahan niyo si Raposas, hindi naman taga- Gerona ang mga ‘yan”.

Ayon pa kay Eclar tumanggi ‘di umano si Raposas na magpunta sa kanyang tanggapan upang dinggin ang reklamo ng ama ng ikinulong na drayber.

Ayon naman kay Municipal Councilor Edwin Yamoyam, “walang mga municipal business permit ang mga colorum kaya hindi sila dapat mamasada dito sa Gerona. Dapat silang hulihin”.

“Ang pinaglalaban namin ay ang karapatan naming maghanapbuhay ng legal. Kami nagbabayad ng prankisa at buwis sa gobyerno taon-taon pero sa mga colorum walang pakinabang ang gobyerno sa kanila pero sila pa ang pinoprotektahan at hinahayaang mamasada”, banggit ni Fajardo.

Mahigit isang linggo bago ang Undas, tanging mga colorum van lamang ang mga pumarada at nagsasakay ng mga pasahero sa bus stop sa harapan ng istasyon ng pulis.

“Dati walang mga colorum at kami lang ang nagsasakay ng pasahero dito. Dahil sa kawalan ng aksyon sa mga ito, mas marami silang colorum kesa sa aming may mag prankisa”, ayon pa kay Fajardo.

Ang TAMOGEPA ay mayroong 112 na miyembrong jips habang mahigit 200 na ‘di umano ang bilang ng mga colorum na nabibiyahe sa rutang Tarlac City-Paniqui.

Noon pang Marso, naghain ng reklamo ang TAMOGEPA sa tanggapang pang Rehiyon ng LTO at LTFRB laban sa mga colorum at upang tanggalin at imbestigahan ang mga kawani ng LTO sa Tarlac City at Paniqui. Ngunit hanggang ngayon hindi pa rin tumitigil ang pamamasada ng mga colorum.

Ayon naman kay Genie Zablan, dating opisyal ng TAMOGEPA, “noon ang sabi ng LTO wala silang impounding area kaya hindi hinuhuli ang mga colorum dahil walang paglalagayan sa mga ito. Pero ngayon, na mayroon ng impounding area ang LTO sa Tarlac City, wala pa rin silang ini-impound na colorum”.

Sa memorandum ng LTO na inilabas noong Hunyo 2014, P200,000 ang multa ng mahuhuling sasakyan na colorum o namamasada na walang prangkisa.

“Sana naman huwag ng hintayin ng mga nanunungkulan na magkagulo pa. Ang binabayad naming buwis ay ang pinangsusuweldo sa mga taga LTO, LTFRB at mga pulis kaya hiningi namin sa kanila ang proteksyon para sa aming lehitimong hanapbuhay”, dagdag pa ni Fajardo.

Tumanggi si Raposas na magbigay ng panayam, ngunit nangako siya ‘di umano kay Fajardo na patuloy na manghuhuli ng colorum ang mga pulis ng Gerona./Nelson Bolos (FB: Tarlac News Center)

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *