TARLAC CITY — Hiniling ni Mayor Cristy Angeles kay DILG Assistant Secretary for Muslim Affairs Hamid K. Ladjakahal na mabigyan ng tulong pangkabuhayan ang mga Muslim na matagal nang naninirahan at itinuring ng tahanan ang ating lungsod.
Sa kauna-unahang dayalogo sa isang LGU na dinaluhan ni Asec. Ladjakahal sinabi niya na may tunay na pagbabagong nagaganap sa Lungsod ng Tarlac sa pamumuno ni Mayor Angeles katulad din ng nagagawa ni Pangulong Duterte sa buong bansa sa paglaban sa droga at katiwalian.
Inanunsyo ni Mayor Angeles na magkakaroon ng malaking pagtitipon ang Muslim community at ang National Statistics Office, DILG, PNP at PDEA upang makapagbalangkas ng mga plano para sa pagpaparehistro ng mga Muslim sa Comelec, tulong pangkabuhayan, at paglaban sa kriminalidad at illegal na droga.
Tinatayang 2,000 sa 5,000 mga Muslim sa lungsod ay nagnanais at kwalipikadong magparehistro bilang mga botante.
Nanawagan si Asec. Ladjakahal ng pagkakaisa sa hanay ng mga Muslim at Kristiyano para magtagumpay ang mga programa ng pamahalaan para sa pagbabago.
Ang dayalogo ay ginanap sa opisina ni Mayor Angeles nitong Enero 12, 2016 na dinaluhan ni DILG Provincial Director Belina Herman, mga opisyal ng PNP, at mga kinatawan ng Muslim community sa lungsod.
Nagpasalamat si Abdul Jabbar Daluma, tagapagsalita ng Muslim Vendors’ Association, sa tulong ni Mayor Angeles na nagkaroon sila ng magandang pwesto para sa pagtitinda sa riverside walk. Nangako si Daluma na susuportahan nila ang administrasyon ni Mayor Angeles sa pagpapanatili ng kapayapaan at paglaban sa illegal na droga.
Hangarin ni Mayor Angeles na pagkaisahin ang lahat ng sector at grupo sa lungsod sa kabila ng mga pagkakaiba sa pananampalataya, kabuhayan, o iba pa mang mga aspeto./CIO
