TARLAC CITY (CIO)—“Ang bituin ang simbolo ng pagmamahal ng Diyos na siyang tunay na diwa ng Pasko,” ani Mayor Cristy Angeles tungkol sa pagpili sa parol bilang sentro ng paglulunsad ng kauna-unahang Angel Lantern Festival.
Sinalubong ng mga residente dito ang pagpasok ng Kapaskuhan sa Lighting Ceremony na inorganisa ng City Tourism Council sa gabi ng Nobyembre 16, 2017.
Pinangunahan ni Mayor Cristy Angeles ang pagbubukas ng selebrasyon kasama ang mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod na sina Konsehal Diosdado Briones, Konsehal Christopher Delos Reyes, Konsehal Ana Aguas, Konsehal Abel Basangan, Konsehal Ricky Diolazo, Konsehal Cesar Go, at Konsehal Vlademir Rodriguez. Nasa pagdiriwang din ang mga tagapangulo ng mga departamento sa Pamahalaang Lungsod.
Ang kultura ng Pinoy ay nabigyang kahalagahan sa naturang pagtitipon. Lalong naging masaya ang pagdaraos nito nang magtanghal ang mga mag-aaral ng Tarlac State University (TSU) Performing Arts.
Nilahukan ng 42 barangay at ilang organisasyon katulad ng Kaisa Women’s Organization, Philippine Chamber of Commerce and Industry -Tarlac, Advocate for Better Life, Tarlac General Lions Club, Tarlac City Ministered Association, at Tarlac City Visitors Bureau (TCVB) ang lantern festival. Kinatatampukan ng mga kakaibang materyales ang sari-saring disenyo at kulay na may mahahalagang kahulugan sa bawat barangay at organisasyon.
Masisilayan ang mga tampok na parol sa Tarlac City Plazuela. Bibigyan ng gantimpala ang mga kalahok na may pinakamaganda at makahulugang disenyo. Paparangalan ang mga ito sa November 29, 2017 sa City Plazuela.
Ang tatanghaling nagwagi sa 1st Angel Lantern Festival ang siyang ilalahok sa kumpetisyon na inihanda ng Pamahalaang Panlalawigan.
