2.77 ektaryang lupa, ipapamahagi ni Mayor Cristy

TARLAC CITY – Pagkatapos ng dalawampu at anim [26] na taon, mawawala na ang panganib na mapaalis sa kanilang mga tirahan ang daan-daang mga informal settlers sa Sitio Paninaan [Riverside], Barangay Carangian dahil ipapamahagi ng libre ni Mayor Cristy Angeles ang lupa para sa mga residente.

Sa pulong na ginanap sa nasabing komunidad nitong Nobyembre 6, 2017, ipinaliwanag ni Mayor Angeles na sa loob ng tatlong [3] buwan ay sisikapin ng Pamahalaang Lungsod na maipamahagi na ang free patent titles sa mga kwalipikadong benepisaryo na kabilang sa Carangian Riverside Land Occupants-Titlers Association [CARLOTA].

Sa Certificate of No Objection na nilagdaan ng butihing Ina ng Lungsod, 2.77 ektarya na nakapaloob sa Lots 1- 26 ang ipoproseso ng DENR upang magkaroon ng libreng sariling lote at titulo ang mga pamilyang naninirahan sa nasabing lupa.

Pati ang mga bayarin at mga documentary requirements ay kakarguhin na rin ng Pamahalaan Lungsod at hindi na sisingilin sa mga residente, sinabi ni Mayor Cristy.

Lubos ang pasasalamat kay Mayor Cristy ng mga tuwang-tuwang mga residente dahil pagkatapos ng 26 taon ay magkakaroon na sila ng titulo sa mga lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan at magiging panatag na ang kanilang isip.

Kasama ni Mayor Cristy sa nasabing pulong sina City Administrator Atty. Numer P. Lobo, City Legal Officer Atty. Joselito C. Castro at iba pang mga opisyales at kawani ng Pamahalaang Lungsod.

Ang 2.77 ektaryang nakatakdang ipamahagi ay bahagi ng humigit-kumulang na anim na ektaryang tirahan ng mga informal settlers sa tabi ng Tarlac River sa Barangay Carangian./@tarlac.cio

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *