Araw na handog ni Mayor Cristy sa senior citizens matagumpay na naidaos

TARLAC CITY — Matagumpay na ginanap ang programang “Remembering the Past: A Day with Senior Citizens” o isang buong araw ng aktibidad at kasiyahan na nilaan para sa mga senior citizens sa kaarawan ng kauna-unahang Ina ng kabisera ng Tarlac, Mayor Maria Cristina Angeles, nitong Nobyembre 29, 2016.

Sama-samang nagdiwang ng Banal na Misa ang mga opisyal ng Tarlac City Alliance of Barangay Senior Citizens Association (ABSCA) at mga opisyales ng lungsod sa pangunguna ni Mayor Cristy Angeles at Vice Mayor Aro Mendoza sa Ninoy Aquino Memorial Plazuela.

Ang pang-umagang programa ay binuksan sa pamamagitan ng isang awitin na malugod na inihandog ni Eddie Alpuerto, naging kampeon ng Tawag ng Tanghalan, sa Ina ng lungsod na nagdiriwang ng kanyang kaarawan at sa mga senior citizens kasabay ng kanilang agahan.

Nagpakitang gilas naman ang Senior Citizens Chorale Group para sa alkalde matapos magbigay ng paunang mensahe ang tagapangulo ng Office for Senior Citizens Affairs, Sergio Campos.

Nagbigay ng mensahe ng buong pasasalamat at pagbibigay pugay sa mga senior citizens ang butihing alkalde matapos na mapanood ang mga inihanda ng malikhaing pangkat mula sa City Information Office na audio visual presentation (AVP) ng inagurasyon ng ina ng siyudad at ang year-end AVP na nilahukan ng lahat ng kawani ng pamahalaang lungsod.

Kasunod ng panunumpa sa tungkulin ng mga opisyales ng ABSCA ay nagpatuloy ang kasiyahan at pagbati sa masipag na alkalde ang mga kasapi ng nasabing kalipunan at mga kapitan ng barangay na dumalo sa nasabing okasyon.

Sa dakong alas tres ng hapon naman sinimulan ang general assembly at cultural night ng mga senior citizens kasamang muli ang butihing Ina ng lungsod at mga opisyales ng Sangguniang Panlungsod.

Labis ang kasiyahan ng mga senior citizens sa handog kaarawan ni Mayor Angeles nang kanyang anyayahing magtanghal ng mga klasikong awitin ang mga tanyag na boses ng dekada ’70 at ’80 na sina Adrian Panganiban, Eva Vivar, Lirio Vital, Cynthia Garcia, Tessie Lagman at Mabuhay Singers.

Isang gabi ng mga awiting kinalulugdan ng mga naunang henerasyon ang inihandog ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Angeles sa mga senior citizens bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag sa pag-unlad n gating lungsod at mga komunidad.

Sa pagpasok sa TSU Gymnasium, na siyang naging pook tanghalan sa gabing alay sa mga ginintuang Tarlaqueño, nakita ang masusing paghahanda para sa nasabing okasyon dahil sa ganda ng entablado at mga instrumento para sa konsiyerto.

Binigyan din ng mainit na pagtanggap ng pamunuang lungsod ang panauhin ng siyudad na si United States Congressman John Mizuno, Vice Speaker of the House of Representatives of Hawaii, sa araw na ito.

Sa pagbibigay pagkakataon at panahon ni Mayor Angeles na magbigay tanaw sa nakaraan, naging masagana ang buong araw para sa mga indibidwal na nagbibigay legasiya sa bagong henerasyon./Tarlac CIO

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *