Sa maagap na aksyon ni Mayor Ma. Cristina C. Angeles at City Health Officer Dr. Ma. Carmela L. Go, tumanggap ng isang brand new dental health bus ang Pamahalaang Lungsod mula sa Department of Health (DOH).
Nitong Nobyembre 21, 2016 pormal na tinanggap ng pamahalaang lungsod ang nasabing mobile dental clinic. Sa araw ding ito ay inanunsyo ng alkalde ang agarang pagsasatupad ng dental healthcare program at malaking tulong ito sa pag-aabot ng pangkalusugang proyektong sa mga malalayong barangay.
Ang dental bus na nagkakahalaga ng P3.95 milyon ay may dalawang (2) dental chairs, fully-air-conditioned at may kumpletong kagamitan sa pagbunot at pangangalaga ng ngipin. May sarili itong rechargeable electric power supply kaya maari itong dalhin kahit sa malalayong lugar.
“Sa pamamagitan ng dental health bus, maipararating na natin sa ating mga kababayan, kahit sa mga nakatira sa malalayong barangay, ang ibat-ibang serbisyo sa pangangalaga ng ngipin. Bahagi ito ng ating programa para sa kalusugan ng lahat ng mga Tarlaqueño,” paliwanag ni Mayor Angeles.
Noong Enero 18, sa ginanap na orientation at distribution ceremony sa Punong Tanggapan ng DOH, pormal na ipinagbigay alam ni DOH Undersecretary Dr. Herminigildo Valle kay Dr. Go at Dr. Ailzeber Desear ang pagkakaloob ng dental bus dito sa lungsod.
Ang Lungsod ng Tarlac ang kauna-unahang lokal na gobyerno sa lalawigan ng Tarlac na tumanggap ng dental bus. Ito ay ipinamahagi sa ilalim ng Health Facility Enhancement Program (HFEP) na bahagi ng programang “Kalusugan Pangkahalatan” ng DOH./Tarlac CIO
