P5.3 milyong ayuda sa agrikultura, ipinamahagi sa mga magsasaka ng Tarlac City

TARLAC CITY—Limang [5] buwan pa lamang nakaupo si Kagalang-galang Mayor Cristy Angeles umabot na sa mahigit P5.3 million ang ayudang ipinamahagi sa mga magsasaka sa Lungsod ng Tarlac.

Sa pangunguna ni City Agriculturist Susan Concepcion, sari-saring gamit at suportang pansaka ang ipinamahagi sa ilalim ng Bottom-up Budgeting Program ng Department of Agriculture at DILG.

“Prayoridad ng aking Administrasyon ang agrikultura dahil ito pa rin ang pinagkukunan ng kabuhayan ng mas nakararaming mga Tarlaqueño. Ginagawa natin ang lahat para madagdagan pa ang suporta sa ating mga magsasaka,” paliwananag ni Mayor Cristy Angeles.

Tinanggap ng mga magsasaka mula sa ibat-ibang barangay ang apat [4] na rice reapers o makinang pang-ani ng palay, 15 shallow tube wells, 40 veggie noodles-making machines, 13 tinapa-making smoke houses at isang [1] packing machine.

Samantala, 4,430 naman na magsasaka ang tumanggap ng subsidized hybrid seeds, binhing gulay, pataba sa lupa, 35 nubian hybrid na kambing, 25 lambat sa pangingisda, crop insurance at t-shirts at transistor radios para sa mga graduates ng Farmers Field School.

Inaasahan na 2,884 ektaryang pananim ang mas lalo pang pakikinabangan dahil sa mga tulong na ito.

Naglunsad din ng mga pagsasanay tulad ng wastong pagpapalaki ng mga Hybrid Nubian goats at paggawa ng pinausukang tinapa.

Sa matagumpay na pakikipagnegosasyon ni Mayor Cristy Angeles, 17 magsasaka sa Barangay Batang-batang at San Pascual ang tumanggap ng daños perwisyo na P300,000 dahil sa pinsalang tinamo ng kanilang bukid mula sa polusyong dulot ng Bounty Fresh poultry farm.

Nito lamang Nobyembre 28 hanggang Disyembre 2, anim na pu’t dalawang [62] barangay ang tumanggap ng hybrid rice varieties at ibat-ibang uri ng pagsasanay para sa mas mahusay na pagtatanim ng palay, pangangasiwa ng mga palaisdaan at pag-aalaga ng mga kambing./Tarlac CIO

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *