TARLAC CITY — Organisado at maayos na nagsimula ang 2017 Flower and Candle Market sa Lungsod ng Tarlac bandang alas-kuwatro ng hapon nitong Okture 31 sa Tarlac Plazuela.
Tiniyak ni Mayor Cristy Angeles na magiging maginhawa at ligtas ang paggunita sa mga pumanaw na mahal sa buhay ng mga Tarlaqueño sa ikalawang paggunita ng Undas sa ilalim ng kanyang administrayon.
Sa pangangasiwa ng Special Livelihood Projects Management Office sa pamumuno ni Ms. Cynthia Chuidian, maihigit 100 na pwesto ang binuksan para sa mga manininda ng mga bulaklak at kandila upang magbigay ng serbisyo sa mga Tarlaqueño at mga bisita sa loob ng dalawang araw mula hapon ng Oktubre 31 hanggang sa gabi ng Noyembre 1, 2017, ang mismong araw ng Undas.
Maliban sa pagbebenta ng mga bulaklak at kandila, ang mga lumahok sa 2017 Flower and Candle Market ay nagkaroon din ang mga stallholders ng Halloween Costume Display Presentation na kinalugdan ng madla.
Layunin ng proyekto na magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan ang mga Tarlaqueño sa panahon ng Undas.
Ayon sa direktiba ni Mayor Angeles, ipinatupad ang OPLAN Undas – Lakbay Alalay 2017 na kung saan nagtalaga ng mga tauhan ang Tarlac City PNP, POSO- TMU, CTTMG at iba pang mga departamento ng Pamahalaang Lungsod sa 14 na mga pampuliko at pridadong mga sementeryo sa lungsod.
Ikinasa rin ang traffic rerouting scheme para maiwasan ang pagbara ng daloy ng trapiko sa mga daan papunta sa mga sementeryo, kabilang na ang sentrong lungsod.
Nagtalaga ng mga route safety marshalls at police assistance hubs upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan lalo na sa matataong lugar.
Ang iba pang mga ahensya at departamento ng Pamahalaang Lungsod na tumulong sa 2017 Flower and Candle Market ay ang City Information Office, Office of the City Engineer, CDRRMO, Philippine National Red Cross- Tarlac Chapter, City Health Office at Bureau of Fire Prevention./Tarlac CIO
