Empleyado ng pamahalaang lungsod sumailalim sa surprise drug testing

LUNGSOD NG TARLAC – Nasurpresa ang mga kawani ng pamahalaang lungsod nang magsagawa ng biglaang mandatory drug testing noong Agosto 1.

Sa utos ni Mayor Maria Cristina C. Angeles, mahigit sa 700 empleyado, job order o permanent man, ang sumailalim sa naturang drug testing na isinagawa pagkatapos ng flag-raising ceremony na ginanap sa Tarlac State University gymnasium.

Isinara ang mga pasukan at labasan sa gymnasium upang hindi makalusot ang lahat.
Pinangasiwaan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa Tarlac Provincial Police Office na pinamumunuan ni Maj. Jessica Quilang ang pagsasagawa ng drug testing.
Nangunang nagpa-drug test sina Mayor Angeles, Vice Mayor Genaro Mendoza, ilang miyembro ng konseho at mga department heads.

Ayon sa Republic Act No. 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang isang opisyal o empleyado ng pamahalaan na napag-alamang nagkasala sa paggamit ng ilegal na droga ay mahaharap sa kasong grave misconduct at awtomatikong matatanggal sa serbisyo na nabanggit din ni Marilou Y. Valerio, Director II ng Civil Service Commission Tarlac Field Office sa seminar na isinagawa sa mga empleyado.

“The maximum penalties of the unlawful acts provided for in this Act shall be imposed in addition to absolute perpetual disqualification from any public office, if those found guilty of such unlawful acts are government officials and employees,” ayon sa Section 28 ng RA 9165.

Ayon kay Angeles, ang aktibidad ay tugon sa kautusan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa mga local government units na magsagawa ng mandatory drug testing at tumulong sa pagsugpo ng problema sa droga at kriminalidad./Tarlac CIO

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *