Civil Service refresher seminar, isinagawa para sa empleyado ng City Hall

LUNGSOD NG TARLAC – Mahigit sa 700 mga empleyado ng pamahalaang lungsod ang dumaan sa isang refresher seminar na layong pag-ibayuhin ang kaalaman sa mga pangunahing katangian at responsibilidad ng mga lingkod bayan.

Ito ay isinagawa sa direktiba ni Mayor Maria Cristina C. Angeles pagkatapos ng flag-raising ceremony na ginanap sa Tarlac State University Gymnasium.

Mga empleyadong nasa estado ng job order at permanent ang dumaan sa isang oras na seminar.

Pinangasiwaan ni Director II Marilou Y. Valerio ng Civil Service Commission Field Office – Tarlac ang pagbibigay ng lektura patungkol sa mga paksa gaya ng civil service rules at Executive Order no. 292 Book V Personnel Policies and Standards.

Isang pangunahing paksa ring tinalakay ay ang Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public officials and employees na naglalaman ng mga dapat iasal ng isang kawani ng gobyerno sa pagganap ng tungkulin, mga responsibilidad nito, mga insentibo at pabuya ng pamahalaan para sa mga mabubuti at mahuhusay na lingkod bayan, mga ipinagbabawal na gawain at transaksyon, at iba pa.

Bahagi rin ng mga natalakay ang mga patakaran sa pagbibigay ng mga civil service eligibilities, pagkakaroon at pag-rerebisa ng citizen’s charter at pagiging smoke-free ng mga tanggapan ng gobyerno.

Binanggit din ni Valerio ang mga aktibidad na inorganisa para sa selebrasyon ng ika-116 anibersaryo ng serbisyo sibil na may temang “Sigaw ng Lingkod Bayani: Malasakit Para Sa Taumbayan, Kapwa Kawani, at Kalikasan.”

Sinabi naman ni City Administrator Vladimir Mata na nakapakarami nang promulgations, rules at circulars na hindi na alam ng mga empleyado kaya ito ay magandang pagkakataon para sa mga kawani ng pamahalaan na ma-refresh sa mga iyon.

“Very willing po si Madam Valerio para tulungan yung ating lungsod ng Tarlac para mas lalong mapag-igi ang public service. Public office is a public trust, ika nga niya, tayo po ang nagpapatupad noon bawat isa sa atin,” paliwanag ni Mata.

Sa naging talumpati naman ni Angeles bago ang seminar, hinimok niya ang mga kawani na paghusayan ang kanilang mga trabaho at patuloy na magkaisa para sa kapakanan ng mamamayang Tarlaqueño na kabilang sa mga “nagpapasahod sa mga nagtatrabaho ng gobyerno.”

“Nangagaling sa kaban ng taumbayan ang ipinasasahod sa atin, dugo at pawis ito ng taxpayers natin, mga buwis na ibinabayad sa city government na pinaghirapan nila, kaya ipinakikiusap ko po ipakita natin na sa bawat sentimong tinatanggap natin is worth the taxpayers’ money,” diin niya.

“I hope that each one of us would do our best. Magtulungan tayo. We have the best interest of the city at heart kasi nandito po tayong lahat kawani ng gobyerno para talagang maglingkod sa taumbayan. Magkakasama po tayong lahat dito, ang magiging success po ng ating pamamalakad ninety percent po nanggagaling po sa inyong mga kawani ng city government,” ani Angeles./Tarlac CIO

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *