Bakit may uma-aklas laban sa mga awtoridad?

Sa ating kasaysayan, ilang beses umaklas ang taongbayan laban sa mga awtoridad.
Una rito ay noong mapagtanto ng mga Indio (dating tawag sa mga Pilipino) sa buong kapuluan na pag-aabuso at pang-aalipin ang ginawang pamamalakad ng mga kastila sa Pilipinas sa loob ng mahigit 300 taon.

Sumunod dito ang pag-aklas laban sa Amerika matapos ibenta ng mga Kastila ang Pilipinas sa mga Amerikano sa halagang $20 million sa ilalim ng Treaty of Paris.

Sinundan ito ng paglaban sa pananakop ng mga Hapon noong World War II.

Naging madugo at marami ang nagbuwis ng buhay laban sa mga dayuhang sumakop sa ating bayan.

Noon, ang mga uma-aklas laban sa mga banyagang mananakop ay tinatawag na mga Insurektos, heretiko, rebelde, at iba pa. Pero sa ating henerasyon, sila ang ating mga bayani. Utang natin sa kanila ang ating kalayaan at tinatamasang demokrasya.

Nitong dekada 70 at hanggang kalagitnaan ng dekada 80, muling umusbong ang pag-aklas ng taong bayan.

Ngunit ang pag-aklas ay hindi laban sa dayuhang mananakop kundi laban sa isang presidente na nagdeklara ng martial law at isina-kamay lahat ang kapangyarihan ng pamahalaan – si dating president Ferdinand Marcos.

Binansagang diktador si Marcos dahil sa mahabang panahon, sinolo niya ang executive, legislative at judicial branches ng pamamahalaan.

Siya ang gumagawa ng batas (legislative), siya ang nagpapatupad ng batas (executive) at kontrolado rin niya paglilitis sa mga nagkakasala sa batas at ang ipinapataw na kaparusahan (judicial).

Ngunit napagtanto ng taongbayan na mali ang ganitong pamamalakad dahil nawala ang esensiya ng demokrasya – karapatang magpahiwatig ng saloobin at kuru sa ano mang usapin (freedom of speech), karapatang maproteksyonan sa proseso ng batas lalo na sa paglilitis (Rule of Law), karapatan sa malayang pamamahayag (freedom of the press), karapatang maghalal ng nararapat na liderato sa pamahalaan (right to vote and be voted upon), kalupitang sinapit sa mga kasandaluhan at PC-INP na imbis sila ang mabigay proteksiyon sa mga mamamayan ay nagpagamit sila sa maling adhikain ng namumuno noon, at iba pa.

Kaya’t noong Pebrero 1986, nagkaroon tayo ng Peoples Power na nagpatalsik sa diktaduryang Marcos at muli nating nakamit ang demokrasya.

(Naging masalimuot ang mga taong sumunod, ngunit unti-unting nanumbalik ang tiwala ng tao sa awtoridad lalo na sa kapulisan at kasundaluhan. Ang nanumbalik din ang respeto sa atin ng ibang mga bansa at muling nagkaroon ng malayang pamamahayag. At pinaka importante, muling naghari ang proseso ng batas at paglilitis.)

Noong 2001, muling umaklas ang taongbayan. Nilitis sa sa impeachment sa senado ang presidente Joseph Ejecito Estrada at naputunayang kumamkam siya ng bilyon-bilyon kaya nasundan ito ng Peoples Power II. Muli, tinanggal sa Malacanang ang isang president.
Ngunit bakit nga ba uma-aklas ang taongbayan?

Malinaw sa kasaysayan ang mga dahilan ng mga pag-aklas.

Una, pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga namumuno sa pamahalaan na humahantong sa pagkamkam ng kayamanan at pagpupumilit na gawing tama ang mga bagay na maling-mali.
Pangalawa, pagmamalupit sa mga mamamayan at pagkawala ng karapatang makapamuhay ng tahimik at matiwasay.

Pangatlo, pagkawala ng karapatang magpahayag ng malaya.

Pang-apat, pagkawala ng proteksiyon sa batas. At,

Panglima, pagkamula’t sa mga kasinungaliang ipinapangalandakan ng pamunuan ng pamahalaan. (Gaya ng paggamit ng mga Kastila sa kristiyanismo, o pangtakot ang Diyos, upang panatilihin ang mga pang-aabuso’t pang-aapi sa mga Pilipino noon. Ng mga Hapon sa islogang “benevolent assimilation”, ni Marcos ng Democracy from the Center at Bagong Lipunan upang magtagal sa kapangyarihan at magkamal ng bilyon-bilyong dolyares, at ni Erap ng mga katagang “Walang kamaga-kamag-anak, walang kumpa-kumpare”.)

Ngunit aang pinaka-importanteng aral sa kasaysayan ay: NAGSISIMULA ANG PAG-AKLAS NG TAONGBAYAN KUNG PATULOY NA DUMARAMI ANG NAGSASABING MALI NA ANG NANGYAYARI AT PAMAMALAKAD SA PAMAHALAAN AT ANG MGA HINAYING NILA AY HINDI NA NATUTUGUNAN.
Panahon na ba na panibagong pag-aaklas?

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *