LUNGSOD NG MALOLOS – Muling itinanaghal na over-all champion ang Bulacan sa katatapos na Central Luzon Regional Athletic Association o CLRAA Meet 2017.
Ayon sa tala, nagwagi ang lalawigan ng 109 na ginto, 76 na pilak, at 49 na tansong medalya na nagbigay daan sa pagkakamit muli ng kampeonato at nagpatibay ng daan tungo sa Palarong Pambansa.
Ito na ang ika-16 na beses na nagkampeon ang Bulacan sa CLRAA.
Pumangalawa naman sa puwesto ang Bataan na may 42 na ginto, 41 na pilak, at 30 na tansong medalya habang pumangatlo ang lungsod ng Olongapo na may 29 na ginto, 35 na pilak, at 40 na tansong medalya.
Nagkamit naman ng special awards ang lungsod ng Cabanatuan bilang Most Discipline Delegation, Pampanga bilang Most Organized Delegation, at lungsod ng San Jose bilang Cleanest and Eco-friendly Delegation.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gobernador Wihelmino Sy Alvarado na umaasa siya na sa Gitnang Luzon gaganapin ang susunod na Palarong Pambansa. (CLJD/VFC-PIA 3)
