TARLAC CITY [CIO]— Tulad ng kanyang ipinangako, ibinigay ni Tarlac City Mayor Cristy Angeles sa mga senior citizens ng lungsod ang kanilang maagang pamasko o Christmas cash gift simula nitong Nobyembre 29, sa araw ng kaarawan ng butihing Ina ng lungsod.
Tinanggap ng 1,247 nakatatanda mula sa mga barangay na nasa sentrong lungsod tulad ng Cut-cut I, Mabini, Poblacion, Sto. Cristo at San Juan Bautista ang P500 na cash gift sa aktibidad na ginanap sa Tarlac Plazuela.
Mula Disyembre 1 hanggang Disyembre 22, 2017, araw-araw na pupuntahan sa kani-kanilang mga barangay ang mga nakatatanda upang ipamahagi ang cash gift sa humigit-kumulang 35,000 registered senior citizens sa lahat ng 76 barangay ng lungsod.
Matatandaan na isa sa mga pangako ni Mayor Cristy na ibalik ang senior citizens’ cash gift na ipinagkait ng nagdaang administrasyon. Hindi lamang niya ito ibinalik kundi dinagdagan pa niya mula sa dating P300 ay ginawang P500.
Upang hindi na magbyahe at mapagod ang mga senior citizens minabuti ni Mayor Cristy na dalhin sa kani-kanilang komunidad ang cash gift na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng P17.5 million./@tarlac.cio
