Dapat Kasuhan ang NAPOLCOM

Nang makaharap namin si DILG secretary Catalino Cuy sa Senate DILG budget hearing, tinanong ko siya: Mr. Secretary, if you were Mayor Andy lacson, what will you do?”

Ang sagot niya: “I will do the same”. Ibig niyang sabihin, magpa-imbestiga sa pagkakalagay ng pangalan niya sa NAPOLCOM Resolution na ‘di umano sangkot siya sa droga at maki-usap na tanggalin ang pangalan niya sa listahan na iyon.

Sa pangalawang tanong ko: “Will you not sue the NAPOLCOM for libel and damages”. Hindi sumagot si Secretary Cuy. (Si Cuy ang chairman ng NAPOLCOM na pumirma sa Resolution na apat na mayor sa Central Luzon ang may kinalaman sa droga na kabilang sa 23 mayors sa buong bansa).

Sa paghaharap na iyon ni Mayor Lacson at Sec. Cuy, inamin niya na hindi niya alam kung paano na-isama ang pangalan ni Lacson sa listahan ng NAPOLCOM sa kabila ng wala naman siyang record sa kapulisan na sangkot siya sa illegal drugs.

Ano nga ba ang batayan ng NAPOLCOM kung bakit nila idinawit si Mayor Lacson? Ayon sa kapulisan “cleared” ang pangalan niya at wala silang report na sangkot siya sa drugs. Sabi pa ng isang pulis, “sa 1,642 na taong na-Tokhang simula July last year hanggang ngayon, walang nagbanggit sa pangalan ni mayor at wala ring report na gumagamit siya o nagbebenta ng drugs”.

Kung ikaw ay isang taong tahimik na namumuhay at walang ka-alam-alam sa droga, at bigla kang ilista ng isang sangay ng pamahalaan na sangkot ka sa drugs, ano ang mararamdaman mo? Ano ang puwede mong gawin?
Umiyak si Mayor Lacson nang araw na malaman niya ang NAPOLCOM resolution at paulit-ulit niyang sinabi: Ano ba ang ginawa kong kasalanan, bakit nila ako gina-ganito?

Nang magdaos ng prayer vigil na dinaluhan ng napakaraming tao, ganito ang sinabi ni Mayor Lacson: “Nagpapasalamat ako sa inyo na naririto na naniniwalang wala akong kinalaman sa droga, pero papaano naman ang mga taga ibang lugar na hindi nakakakilala sa akin? Paano nila malalaman na ni minsan hindi ako tumikim ng droga at ni minsan hindi ako nasangkot sa bisyong ‘yan?”

Paano mo nga malilinis ang iyong pangalan sa buong madla kung ito ay dinungisan ng walang batayan?

Labag sa batas ang pagsasabi ng kasiraan ng isang tao na walang basehan. Ang tawag dito Libel at maari ring magsampa ng civil case para sa danyos.

Ito lamang ang paraan upang malinis ang pangalan ni Mayor.

Dapat sampahan ng kaso ang NAPOLCOM para lumabas ang katotohanan.
Ngunit paano natin ilulugar ang sinabi ni Vice Mayor Dan David na, “ako mismo mapapatunayan ko na hindi ka sangkot sa drugs. Pulitika lang ang nangyari sa iyo”.

Sino na nga ba daw ang makakalaban ni Mayor Lacson sa 2019?

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *