LUNGSOD NG TARLAC – Pinangunahan ni Mayor Cristy Angeles ang pormal na pagbubukas ng City Disaster Risk Reduction and Management Council kasabay ng pagsasagawa ng contingency planning para bagyong “Butchoy” na ginanap sa Mayor’s Office Conference Room nitong Hulyo 7.
Ang aktibidad ay inorganisa ng City Disaster Risk Reduction and Management Office at ng Department of Interior and Local Government. Dinaluhan ito ng mga department heads ng pamahalaang lungsod at ng mga kinatawan ng Bureau of Fire Protection at Tarlac City Police Station.
Bilang paghahanda sa mga paparating na mga bagyo sa bansa, pinag-usapan ang mga preparasyon na dapat gawin ng pamahalaang lungsod at pag-alam sa mga kakayahan nito sa pagresponde na maaari pang pag-ibayuhin at ayusin.
Nagkaroon ng presentasyon ang DILG para sa Operation Listo, isang bagong mekanismo o pamamaraan na inilatag ng ahensya para sa mga lokal na pamahalaan, partikular sa mga punong ehekutibo para sa mga dapat nilang gawin bago, tuwing at pagkatapos ng mga bagyo o anumang kalamidad sa kanilang nasasakupan at bilang pagpapalakas na rin sa umiiral na programa ng gobyerno sa Disaster Risk Reduction and Management.
Ang dalawang manwal o “Checklist of Early Preparations for Mayors” tungkol sa Operation Listo ay isinumite ng DILG kay Angeles.
Upang mapalawig pa ang kaalaman ng lahat, nagbigay ng mga detalye si DILG city director Danilo Rillera kaugnay ng Philippine Disaster Risk Reduction and Management Systems at mga mahahalagang probisyon ng RA 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Act of 2010.
Sinundan naman nito ng presentasyon mula kay CDRRMO Warning and Operations officer Engr. Arnold Samson kung saan ibinigay niya ang kasalukuyang sitwasyon tungkol sa bagyong “Butchoy”.
Kanya ring ipinakita ang mga listahan ng bilang ng mga bagyo na darating sa bawat buwan mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ipinakita rin ni Samson sa lahat ang kasalukuyang Landslide and Flood Hazard Map ng lungsod kung saan naglalaman ito ng mga detalye tungkol sa lugar na may mataas o mababang tyansa ng pagbaha at pagguho.
Batay naman sa pagkakahati ng lungsod mula sa apat na direksiyon at maging sa sentro nito ay inisa-isa ang mga barangay na may mataas o mababang tsansa ng pagbaha.
Inilatag ni Samson ang mga maaaring dapat gawin ng lungsod para sa kahandaan gaya ng pagbubukas at reorganisasyon ng CDDRMC at Barangay DRRMC, pagbabantay ng sitwasyon sa panahon sa pamamagitan ng DOST-PAGASA Facebook Account pati na sa mga advisory sa mga TV at radio station, pagbabawas ng sanga ng mga puno, patuloy na pagsasagawa ng disaster preparedness at awareness seminar sa komunidad, pagpapatuloy ng paglalagay ng flood level warning o tinatawag na Colors of Beauty sa mga poste o sa dike, at maagang sand-bagging sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng pagbaha.
Idinagdag din niya ang pag-inspeksyon sa mga inilatag na evacuation areas, rehabilitasyon ng Tarlac River Slope Protection sa Cut-Cut I at Paninaan sa Brgy. Carangian, paghahanda ng mga kakailanganing relief goods at gamot, pagpapalakas ng kapasidad ng mga rescue teams at mga volunteers lalo na sa mga barangay, at iba pa.
Ayon kay naman Angeles, mahalaga ang preparasyon at pagbibigay ng tamang kaalaman sa mamamayan upang maiwasan o kaya’y mabawasan ang epekto ng mga kalamidad at sakuna sa mga mamamayan at ari-arian kaya’t binigyang-diin niya ang pagpapatuloy ng mga isinasagawang mga seminar at training sa mga barangay at mga organisasyon.
“Every single minute counts, dapat nakahanda tayong lahat,” ani Angeles.
Nakatakda ring ikutan ng alkalde ang mga evacuation centers sa lungsod upang makita ang kalagayan ng mga ito kasama na ang isang itinatayong pasilidad sa Brgy. Baras-Baras na pinondohan ng Bottom-up Budgeting ng DILG.
Kailangan na rin aniyang mailagay ang mga directional signs sa mga evacuation centers upang madali itong mapuntahan ng mga posibleng evacuees.
Napag-usapan din ang pangangailangan sa imbakan o warehouse ng relief goods, mga sako, at ng mga mahahalagang dokumento.
“Kaya I think we should find alternative warehouse for goods and sacks in cases of disasters,” ani Angeles.
Ipinanukala rin ng alkalde ang pagkakaroon ng ugnayan sa mga pribadong sektor upang maka-agapay ng pamahalaan sa pagsasagawa ng mga aktibidad ukol sa kahandaan sa kalamidad.
Iniutos din ni Angeles sa City Engineer’s Office ang agarang paglilinis ng mga mahahalagang daluyan ng tubig at drainage systems sa lungsod upang maibsan o di kaya’y mabilis na mapahupa ang baha tuwing tag-ulan.
“Kung walang gagawin na paglilinis sa mga drainage natin, pamumugaran pa ito ng epidemya o lamok,” diin ni Angeles, sabay na ipihanda ang talaan ng mga barangay na may problema sa mga kanal.
Kanya ring binanggit na kailangan magkaroon ng koordinasyon gaya sa Armenia Dam upang maiwasan ang pagpapakawala ng tubig na walang abiso tulad noong nakaraang taon na nagbaha sa may Burot at Sapang Tagalog sa kasagsagan ng bagyong “Lando”.
Ilan pa sa mga iniutos ni Angeles ay ang agaran at pansamantalang sand-bagging sa dikeng sakop ng Paninaan at Cut-Cut I, ang pagkakaroon ng emergency hotlines, ang pagsasagawa ng mga pagsasanay, at ang pagkakaroon ng permanenteng opisina ng CDRRMO at pagsasaayos ng organizational structure nito./Tarlac City Information Office