Mega DATRC, handa nang tumanggap ng mga pasyenteng sasailalim sa rehab

FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija – Nakahanda nang tumanggap ng pasyente ang Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center o DATRC sa kampo Magsaysay.

Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Rosell-Ubial, matapos ang pormal na pagpapasinaya sa pasilidad ni Pangulong Duterte kaninang hapon ay asahan ang pagsisimula o pagdating ng mga residenteng sasailalim sa medikasyon at rehabilitasyon.

Aniya, kabilang sa mga magiging prayoridad na tatanggaping residente ay ang mga sumukong drug personalities sa mga lokal na pamahalaan kaya’t patuloy ang magiging ugnayan ng kagawaran sa bawat lokalidad para sa mga kababayang nagnanais na tuluyang makapagbagong buhay.

Paliwanag pa ni Ubial, bago ipasok sa rehab center ay daraan muna sa mga pagsusuri at balidasyon ang pasyente ukol sa nararapat na lunas at kung kinakailangang ipasok sa naturang pasilidad.

Katulad din aniya ng mga ospital ay mayroong itatalagang social worker sa Mega DATRC upang humalili sa mga kababayang mangangailangan ng serbisyo ukol sa mga pangtustos sa mahabang panahong gamutan.

Paglilinaw pa ni Ubial, hindi sapilitan ang pagpasok sa nasabing pasilidad na kaibahan sa ilang mga nakatatag nang rehab centers sa bansa.

Sa kasalukuyan ay nasa 37 indibidwal na ang nasa pagpoproseso ng aplikasyon upang mapasok sa rehab program at target ng kagawaran na makapagsimula ng 100 residente bago matapos ang taon.

Aabot naman aniya sa isan-libong mga medical practitioners ang itinalaga ng pamahalaan upang mangasiwa ng gamutan kabilang rito ang nasa 800 na mga bagong empleyado na dumaan sa mga pagsasanay.

Kaugnay nito, ayon pa kay Ubial, tatlong buwan mula ngayon ay target ng tanggapan na makumpleto ang four phases ng Mega DATRC na may kabuuang 10,000 bed capacity. (CLJD/CCN-PIA 3)

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *