TARLAC CITY – Kasabay ng pagdiriwang ngayong Setyembre ng 116th Civil Service Month ay nagsagawa ng clean-up drive ang mga kawani ng city hall sa ilang piling lansangan sa lungsod.
Ang pagdiriwang ay may tema ngayong taon na “Sigaw ng Lingkod Bayani: Malasakit para sa Taumbayan, Kapwa Kawani, at Kalikasan” kung saan nakiisa ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng dalawang aktibidad na inihanda ng City Human Resources Management Office.
Ang clean up drive ay ang unang aktibidad na ginanap ngayong ika-16 ng Setyembre 2016 sa mga pook na tinukoy ng City Environment and Natural Resources Office, isa sa mga tanggapan na aktibo sa pagpapalaganap ng adhikaing “Clean City, Tarlac City”.
Hindi bababa sa tatlong empleyado bawat tanggapan ng pamahalaang lungsod ang lumahok at nagdala ng kani-kanilang mga walis sa paglilinis.
Ayon kay Vivian Serrano-Tungol, oiffcer-in-charge ng CHRMO, ito ay isang matipid ngunit makabuluhang gawain na naka-agapay sa tema ng Civil Service Commission ngayong taon.
Labis naman ang tuwa ni Mayor Cristy Angeles sa isinagawang paglilinis dahil ito ay isa sa kaniyang pangunahing prayoridad bilang ina ng lungsod- ang kalinisan at pagsasa-ayos ng basura. Nagpasalamat ang alkalde sa mga “kawaning bayani” sa kanilang pakikiisa sa pagtataguyod sa proyektong pangkalinisan.
Ang ikalawang aktibidad- ang Family Day, ay gaganapin naman sa ika-23 ng Setyembre na lalahukan din ng mga kawani ng pamahalaang lungsod./Tarlac CIO
