LUNGSOD NG MALOLOS – Iniurong sa taong 2018 ang pagtatapos ng konstruksyon at pagbubukas ng proyektong NLEX-North Harbor Link habang nireresolba ang natitirang right-of-way.
Ayon kay Manila North Tollways Corporation Project Manager Fernando Quinto, sa ngayon ay ikinakabit na ang concrete girder sa pagitan ng mga poste at pundasyon na ibinaon sa may barangay Karuhatan sa lungsod ng Valenzuela sa kanto ng MacArthur Highway at NLEX Mindanao Avenue Interchange.
Ang girder ay konkretong pahabang bato na magsisilbing sahig sa ilalatag na kalsada sa ibabaw ng naturang elevated expressway.
Tutuldukan ng bubuksang NLEX-North Harbor Link ang matagal nang problema sa port congestion sa Manila North Harbor sa Port Area ng Maynila dahil maari nang makabiyahe ang mga kargamento mula Gitnang Luzon kahit may truck ban.
Dagdag pa ni Quinto na kapag natapos ang proyekto, magagamit ng mga trak na may lulang kargamento ang elevated expressway sa pamamagitan ng pagpasok sa Mindanao Avenue Interchange o ang tinatawag na Segment 8.1 patungo sa Segment 8.2 na tinatawag na bahagi ng NLEX-North Harbor Link.
Sa ngayon, hanggang sa may MacArthur Highway pa lamang ang nagagawa sa bahagi ng barangay Karuhatan sa lungsod ng Valenzuela habang kasalukuyan ang konstruksyon ng elevated NLEX-North Harbor Link patungong C-3 sa lungsod ng Caloocan, mayroon ding rampang itinatayo patungo sa bukana ng Port Area sa Maynila.
Kapag natapos ang buong bahagi o segment ng 5.65 kilometrong NLEX-North Harbor Link na nagkakahalaga ng 10.5 bilyong piso, aarangkada naman ang konstruksiyon ng NLEX-SLEX Connector Road.
Ang unang tatlong kilometro ay tatawid sa Mac Arthur Highway na tatahak sa Letre road, kakaliwa sa C-3 road papuntang Espana Boulevard. Pagdating dito, ‘iibabaw’ na sa railways track ng PNR ang NLEX-SLEX Skyway Connector kung saan mula Espana Boulevard, babagtasin na nito ang A.Lacson Avenue, Paco-Sta.Mesa road, Quirino Avenue hanggang umabot sa Osmena Highway na pagkakabitan nito sa Skyway Stage 1 sa Buendia na nasa lungsod ng Makati.
Magkakaroon ng apat na entry at exit ramp. Isa sa C-3 road sa Caloocan, Espana at Quirino sa lungsod ng Maynila at Gil Puyat sa Makati. (CLJD/SFV-PIA 3)
