“Mula P93 Million noong 2013, P450 Million na ngayon ang pondo ng bayan”.
Ito ang mariing binanggit ni Mayor Andy Lacson sa kanyang State of the Municipality Address (SOMA) na idinaos sa Col Jesus Lapus Sports Complex.
Ayon pa kay Lacson ang paglago ng pondo ng munisipyo ay “dala ng pagdami ng mga negosyo, masinop na pamamahala sa pera ng bayan at kawalan ng korapsyon”.
Ang SOMA 2018 ni Lacson ay dinaluhan ng mga opisyales ng mga barangay at mga sangguniang kabataan, mga senior citizens, mga guro, estudyante, grupong kababaihan, mga Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA), mga Non-government Organizations (NGOs), mga kooperatiba, at iba pang mga grupo.
Tampok sa SOMA ay ang biglang pagdami ng mga komersiyo at mga industriya sa bayan.
Tinuran ng mayor na nagsimulang magsi-tayo ang mga sikat na fast food chains noong 2014 katulad ng McDonald’s, Jollibee, Mang Inasal, Chow King, Kentucky Fried Chicken (KFC) at iba pa. Tatlo na ang Jollibee stores maliban sa mga kinikilalang kainan.
Meron na ring sangay ang SM Mall (Save More), ang Walter Mart, ang Pure Gold Grocery.
Umusbong din ang mga naglalakihang industriya katulad ng Foster Poultry Farm na naglalaman ng halos isang milyong manok, ang Eastworld Motor Industries Corp. (EMIC) Tarlac na gumagawa ng mga Motor Star motorcycles at Scooters, ang 557 Feather Meal Corp sa San Nicolas Balas na nakapagpapalabas ng 32.5 milyong nalinis na manok. (Ang 557 Feather Meal ay modernong chicken dressing plant at ginagawa nitong sangkap sa feeds ang waste sa paglilinis ng mga manok), at marami pang iba.
Kasalukuyang itinatayo ng Solar Philippines Corp sa Barangay Sta. Rosa ang P7.5 Billion Solar Power Farm sa bansa na magbibigay ng mahigit 150 Megawatts na elektrisidad. Inaasahan itong magbubukas sa susunod na taon.
Nakatakda na ring sisimulang itayo ng Solar Philippines Corp ang pangalawa nitong Solar Power Farm, ang Solar Concepcion 2 na nagkakahalaga ng P13.56-billion. Ito ang magiging pinaka-malaking solar plant sa bansa at magbibigay ito ng 293.76 MW.
Katatapos lamang buksan ang pinaka-malaking gasolinahan ng PTT Corporation sa Pilipinas sa Barangay San Vicente na may lawak na mahigit 3 hektarya.
Ang isa sa pinakamalaking investment na pumasok noong nakaraang taon ay ang P10.5 Bilyong planta ng bakal ng Steel Asia Corp. sa Barangay Telebanca. Kung matutuloy ito, mahigit 2,000 tao ang permanenteng magtatrabaho dito liban pa sa libo-libong hanapbuhay na itatayo sa paligid nito. Ngunit pansamantalang naudlot ang pagsisimula ng planta ng Steel Asia dahil ‘di umano sa pagpigil dito ng mga katunggali sa politika ni Lacson.
“Napakaraming lugar ang puwedeng pagtayuan ng mga industriyang ito ngunit pinili nila ang Concepcion dahil, unang-una, wala tayong hinihingi sa mga investors, pangalawa, alam nila na masinop ang pamamalakad ng local na pamahalaan, at pangatlo, wala silang nababalitaang corruption o pang-aabuso”, banggit ni Lacson.
Ayon pa kay Lacson halos lahat ng mga commercial at universal banks ng bansa ay nagtayo na ng mga sangay sa kabayanan. Sa Kasalukuyan, 26 na ang bangko sa bayang ito.
“Dahil sa mabilis na paglago ng pondo ng bayan, marami tayong mga proyekto at mga programang na-ilunsad na pinakikinabangan natin. At lahat ng na-utang ng bayan noong 2012 at 2013 ay mababayaran na natin ngayong taon. Wala na tayong utang sa ano mang bangko”, sabi pa ni Lacson.
