Uso ngayon: Kalaswaan, karahasan at pambabastos sa batas at mga institusyon

Araw-araw, para akong binabangungot. Dahil hindi kapani-paniwala ang mga nakikita ko.

1. Isang porn girl, na dati lagi pinanganga-landakan sa kanyang FB ang kanyang kalululwa, ay ngayon isa ng Assistant Secretary sa Malacanang.

2. Isang halal na mayor na nakakulong ang hinatiran ng Search Warrant ng madaling araw sa kanyang kulungan at ‘di umano nanlaban kaya pinatay. Ang team leader ng nagserve ng warrant na isang colonel na pulis ay kinasuhan ng murder ngunit makalipas ang ilang araw, nakapag-pyansa sampu ng lahat ng kasamahang mga pulis.

3. May litratong lumabas na walang baril sa tabi ng bangkay ng mayor ngunit lumabas ang pangalawang larawan na may baril na sa kanyang tabi. (Mga tanong na hindi masagot: Bakit pinaluhod na paharap sa pader ang lahat ng pulis na nagbabantay sa kulungan ng Mayor? Paano nawala ang hard disk ng CCTV?)

4. May pumasok na 23 container vans sa pier, 5 sa mga ito ang nadiskubre sa isang malaking bodega sa Valenzuela Bulacan na may lamang P6.3 Bilyon halaga ng shabu. Nabanggit sa imbestigasyon ng senado na may kinalaman si Paolo at bayaw nito sa pagpalabas sa 23 containers. Nakasuhan ang mga opisyal ng customs, ngunit makalipas ang ilang araw inabsuwelto sila ng DOJ. Natapos ang imbestigasyon, pero hindi na inalam kung saan napunta ang 18 containers na may tone-toneladang shabu. Isang lang ang nakasuhan, ang nagbabantay sa bodega. Hindi nakasuhan ang may–ari ng bodega, ang mga nag-import at ang lahat ng taong nagpalabas sa 23 containers. (Tanong: Na saan ngayon ang tone-toneladang Shabu?)

5. Kinasuhan ng nakaraang administrasyon ang Mighty Corporation ng P37 Bilyon tax evasion. Kamakailan, nag-offer ang Mighty ng P25 Bilyon, matapos ang ilang araw, na-dismiss ang kaso. (Tanong: Saan napunta ang P25 Bilyon?)

6. Si dating diktador Ferdinand Marcos, tinaguriang “World biggest thief” (ninakawan daw niya ang bayan ng mahigit $12 Bilyon), inakusahang nagpapatay at nag-torture sa mahigit 10,000 Pilipino, naglublob sa Pilipinas ng mahigt $36 Bilyon utang sa ibang bansa, gumawa ng mga fake world-war II records, nagpabagsak sa presyo ng piso magmula P2 sa dolyar noong 1965 at umabot sa P38 sa dolyar noong siya ay umalis sa Malacanang, nagtanggal sa mga batayang karapatan (Freedom of the press, Right to peaceful assembly, etc), binago ang constitution upang magtagal sa kapangyarihan, at itinaboy ng taong bayan noong February 1986 Peoples Power, ngayon ay ginawang bayani at inilibing sa Libingan ng mga Bayani.

7. Speaker ng Congress umaming may kerida at nagsabi pa ng: “Sino ba ang walang mistress?”.

8. Isang president na nagsabing demonyo ang santo papa, walanghiya ang mga leader ng Europa, gago ang presidente ng Amerika, at nakipag-alyado sa China at Russia. Isang president na nagsabing “drug pushers are not humans” (kaya dapat silang patayin). Isang presidenteng bukang bibig ang pagmumura at umaming pumatay na siya ng tao noong 16 taon pa lamang siya.

9. Isang 17 anyos na bata (Kian) na lumabas lang ng bahay para bumili ng ulam, kasama ang 14 taon na kapitbahay, na pinatay at inakusahang nang-holdap ng taxi. Ang kanyang kapitbahay ay nakitang bangkay sa isang ilog sa Bulacan. At isang binatang 16 taon na nakita ng madla sa kuhang CCTV na kinakaladkad ng 3 pulis, pagkaraan ng ilang minuto, walang awang pinagbabaril sa harapan ng mga kapitbahay.

10. Patayan dito, patayan doon, patayan araw-araw.

11. Tax reform law na magpapataas sa halos lahat ng bilihin at magtatanggal sa Tax-free privilege ng mga kooperatiba .

12. Transport modernization na pinapatanggal lahat ng jeepney sa buong bansa dahil lamang sa dikta ng ibang bansa. Hindi inalintana na wala namang kakayahang bumili ng mga modernong pampasada ang mga jeepney operators sa mga probinsiya at hindi nagdudulot ng polusyon at trapiko ang mga ito sa kanayunan. (Tanong: kaya bang pumasada ng mga “modernong” sasakyan sa mga baku-bakong kalsada sa mga barrio?)

13. Libo-libong mga bayaring “internet throlls” na nagpapakalat ng fake news at mga salitang malalaswa at naghihikayat sa mga maling paniniwala.

14. Sinampahan ng impeachment case ang chief justice ng korte suprema. Malinaw na walang batayan ang sinampang reklamo ni Atty. Gadon, puro hearsay. Ngunit lumabas sa pagdinig sa kogreso ang isang associate justice (De Castro) at sinabi niyang may ginawang ganyan-ganito ang chief justice. Parang mga palakang naulanan ang mga tongressmen. Marami rin ang tumahol. Ngunit malinaw na ang mga sinabi ni De Castro ay walang kaugnayan sa mga alegasyon ni Gadon.
Dilat akong binabangungot, kailan kaya magwawakas ito?

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *