Walong linyang NLEX-San Fernando Interchange, pinasinayaan

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Nadadaanan na ang buong walong linya ng mas pinalapad na San Fernando Interchange ng North Luzon Expressway o NLEX.

Ito’y matapos pangunahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang pagpapasinaya sa aniya’y ‘Crowning Glory’ ng kanyang siyam na taong administrasyon.

Layunin ng proyekto na mapaluwag ang pasikip na pasikip na daloy ng trapiko sa bahaging ito ng lungsod.

Ayon kay NLEX Corporation President Rodrigo Franco, ang San Fernando exit at interchange ay isa sa napaka-busy na interchange ng NLEX.
Nagsisilbing gateway kasi ito sa mga papuntang western Nuev Ecija, Subic, Olongapo, western towns ng Pampanga, at Bataan.

Nasa 287 milyong piso ang ginugol ng NLEX Corporation para rito na bahagi ng kanilang konsesyonaryo sa NLEX sa ilalim ng Built-Operate-Transfer.

Bukod sa pagpapalapad ng nasabing interchange, inalis na ang dating dalawang rotonda sa magkabilang dulo ng interchange, na ayon sa pag-aaral ng NLEX Corporation, ay nagdudulot ng pagsisikip dahil sa pag-iipon at pagsisiksikan ng mga sasakyan.

Sa halip, pinalitan ito ng dalawang malalaking intersection kung saan tinayuan ng mga traffic signal lights na ginamitan ng traffic engineering.

Nagpasadya rin ng pedestrian lane ang NLEX Corporation sa gilid ng nilaparang interchange upang maging ligtas ang mga taong tatawid sa kabilang bahagi nito sa pamamagitan ng paglalakad. (CLJD/SFV-PIA 3)

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *