TARLAC CITY – “BOLANG-BOLANG, BAKLA, BAKLA,” ito ang mga katagang binitiwan ng isang miyembro ng Media sa Tarlac laban sa isang City Councilor, dahilan upang magkaroon ng komosyon sa gabi ng coronation night ng Miss Tarlac City noong Enero 17, 2017.
Kinondena ngayon ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod si Ms. Aida Tabamo dahil sa naging away nila ni Konsehal Christopher “TOPEY” delos Reyes, matapos sabihan ng konsehal si Tabamo na, “alis diyan di nila nakikita ang palabas.”
Si Tabamo ay kumukuha diumano ng shots para sa Net 21 television. Sinabi ni Konsehal delos Reyes na pinaalis niya ang kanyang mga staff na katabi si Tabamo, nang tiningnan umano siya ng masama at sinabihan siya ni Tabamo ng “BOLANG BAKIT MO AKO PAPAALISIN.” Nang bumalik na umano siya sa upuan ay sumigaw pa ito ng masasakit na salita, “BAKLA, BAKLA, BAKLA,” na narinig ng karamihan ng manonood ng Coronation Night ng Miss Tarlac.
Sa bersiyon naman ni Tabamo, sinabi nito na ang lugar niya ay ang designated area na ibinigay sa mga Media na nagko-cover sa nasabing okasyon. Dahil pabalik-balik umano sila sa pagkuha ng litrato, at ang mga konsehal ay inilagay sa isang tabi ng mga organizers na hiwalay sa mga bisita, VIP, first Family, kaya natatabunan sila ng mga kumukuha ng litrato.
Lumapit umano sa tabi niya si konsehal Topey delos Reyes at kinalabit siya sa puwet at nagsabing, “DI NAKIKITA SA LIKOD.” Diin ng lady reporter, “bilang babae, bilang tao, biglang tumaas ang dugo sa ulo ko at sinabihan ko siyang, “BOLANG, BAKIT MO AKO PAAALISIN DITO, DITO KAMI INILAGAY.”
“Nang bumalik sa upuan ang konsehal, nakita ko siyang may kausap, nakatingin sa akin at tila pinagtatawanan ako ng paulit-ulit, kaya sumigaw ako ng, ‘BAKLA-BAKLA’,” dagdag pa ng reporter.
Dahil sa pangyayaring ito dalawang privilege speech ang isinagawa ng dalawang konsehal, na sina Konsehal Topey delos Reyes at Konsehal Glenn Caritativo, na kapwa kumukundena sa hindi magandang asal na ginawa ng reporter sa isang miyembro ng City Council at opisyal ng bayan. Hiniling ng mga ito sa kanilang privilege speech na bigyan ng kaukulang sanction ang nasabing reporter./jpm
