Nakapagtatakang kabaitan sa mga sangkot sa P6.4 Billion shabu

Halos araw-araw may namamatay na sangkot sa shabu, madalas isa o iilang pirasong sachet lamang ang dala. Sila ang mga kawawang street pushers.

May ilang local officials na rin naman ang namamatay tulad ni Mayor Rolando Espinosa na pinatay sa loob ng kulungan, ni Ozamis Mayor Rdeynaldo Parojinog at ni Ampatuan, Maguindanao Mayor Samsudin Dimaukom.

Ngunit lahat sila’y mga pinaghihinalaang distributors, at ang karamihan sa kanila ay street level pushers lamang ng shabu.

Sa isang datos, tinatayang mahigit ng 13,200 na ngayon ang namamatay na mga distributors, pushers at mga addict.

Sa isang banda maganda rin ang ganito. Mas mainam ng mawala sa mundo ang mga sira ulong mga addict at mga pusher na walang takot sa batas at patuloy na nagbebenta ng illegal na droga.

Ngunit lubos na napakapagtataka kung bakit ang mga gumagawa at nagpapasok ng tone-toneladang shabu sa bansa ay hindi pinagbubuhatan ng “kamay na bakal”.

Katulad ng mga sangkot kamakailan sa pag-import ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 Billion galing China.

Malinaw sa imbestigasyon ng Senado na ang may-ari ng warehouse na pinaglagyan ng bilyon-bilyong halaga ng shabu sa Valenzuela City ay si Richard Chen. At nakipag-selfie pa sa kanya si Customs Bureau chief Nicanor Faeldon.

Nahulihan na nga ng P6.4 Bilyong shabu nakuha pang magpalitrato kasama si Faeldon at hanggang ngayon ay hindi pa nakukulong! At hindi man sinasampahan ng kaso!

Malinaw din sa imbestigasyon na ang nagproseso sa China para maipasok sa Pilipinas ang mga shabu ay si Richard Tan at kasama niyang si Kenneth Dong.

Imposibleng hindi alam ng tatlong ito na ang laman ng mga container vans ay shabu. Bakit hindi pa sila sinasampahan ng kaso?

Dahil ba sila ay mga Chinese?

Isang testigo sa imbestigasyon ng Senado, si Mark Taguba, ang nagdawit sa pangalan ni Vice Mayor Paolo Duterte na sangkot ‘di umano sa “pagpalusot” ng mga container vans na may shabu. Ayon kay Taguba isang Tita Nanie (empleyado sa Cargo and Disposal Division ng Bureau Custom na ang totoong pangalan ay Nanie Koh) ‘di umano ang naniningil ng “padulas” para kay VM Paolo Duterte upang hindi na saliksikin at mabilis na mailabas ang mga container vans.

May kinalaman nga ba kaya si VM Paolo Duterte sa pagpasok ng bilyon-bilyong shabu?
(Nasa pahayagan lahat ang mga impormasyong ito at maaring i-download sa Google, isulat lamang ang “P6.4 Billion shabu”.)

Si Sen Chiz Escudero ang unang nagsabi na “libong mga pusher ang nanlalaban at napapatay ng pulis matapos mahulihan ng kalahating gramo ng shabu samantalang sa smuggling ng lampas kalahating tonelada ng shabu ay tanging ang bodegero pa lang ang nasampahan ng kaso”. (Abante news, August 11, 2017)

“Sa pinakahuling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Miyerkules, si Senador Chiz Escudero ang nagbigay diin na kung papairalin ang batas nang patas, dapat sana ay nakasuhan na sa ilalim ng Dangerous Drugs Act ang lahat ng opisyal ng BOC na may responsibilidad kung bakit nakalusot ang mahigit 600 kilo ng droga na nakasilid sa limang printing cylinder.

Ayon pa rin kay Escudero, dapat sinampahan din ng kaso ang may-ari ng EMT Trading, ang customs broker na si Teejay Marcellana, ang may-ari ng trucking na si Mark Ruben Taguba, ang middleman na si Kenneth Dong, ang may-ari ng Hongfei Logistics sa Xiamen, China na si Richard Tan at ang local representative nitong si Manny Li na siyang manager ng Hongfei warehouse sa Valenzuela City.”

Bakit nga ba kung mga Chinese ang mga sangkot sa droga, hindi sila nakakasuhan o napapatay? BAKIT!!!

Huwag kalimutan si Peter Lim na kaibigan at kumpare ng nakaluklok sa Malacanang…. Si Lim ang tinaguriang “isa sa mga pinakamalaking drug lord ng bansa”.

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *